Speaker Romualdez sa rice traders: Moderate your greed

Si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, kasama ang iba pang mambabatas na sumama  fact-finding mission ng Bureau of Customs (BoC) na nagsagawa ng pag-iinspeksyon sa malalaking rice warehouses sa Bulacan.

Ni NOEL ABUEL

Sa gitna ng mga alegasyon na iniipit ang supply ng bigas upang tumaas ang presyo nito, pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang isang fact-finding mission at inspeksyon sa malalaking warehouse sa Bulacan kung saan umano itinatago ang bigas.

Bilang bahagi ng oversight power ng Kongreso at sa imbitasyon ni Bureau of Customs Commissioner Bienvenido “Bien” Y. Rubio, tinungo ni Romualdez at ilang pang mambabatas ang FS Rice Mill, San Pedro Warehouse, at Great Harvest Rice Meal Warehouse na nasa Bocaue at Balagtas, Bulacan.

“‘Yung karamihan ng rice supply dito aabot na ng three months eh, technically that’s hoarding,” ani Speaker Romualdez, lider ng 311 miyembro ng Kamara de Representantes.

“Kasi pag iniembudo mo, ‘pag hino-hoard mo tumataas. Greed ‘yan eh ‘di ba, gusto mo kumita. Kaya nga nagpapasalamat tayo kay Commissioner Rubio at saka ‘yung team niya galing sa Customs. Nandito naman tayo kung baga nag-pa-fact finding tayo at ocular inspections just to make sure that lahat ng napapasok na imported tama ang binayaran nilang buwis,” pahayag nito.

“‘Yung assessment talaga natin, sapat na supply lalo na ‘yung galing sa ibayong-dagat pero mataas na rin ‘yung presyo. Pero nakita rin natin sapat na suplay pero medyo matagal na naho-hold. Dapat kung ano ‘yung pinasok, ilabas kagad, ibaba kaagad at reasonable price dahil masyadong mataas ngayon ang presyo,” dagdag pa ni Romualdez na ikinalungkot ang paggamit ng ilang rice trader sa pagtaas ng presyo sa pandaigdigang pamilihan para lumaki ang kanilang kita,” giit ni Romualdez.

Sinabi pa nito na maging mga locally produced ay itinago at mina-match ang presyo sa international pricing kung kaya’t pinayuhan nito ang mga may-ari ng bigas na ilabas na ito sa merkado.

“At sa halip na itong magkaroon ng wet harvest, ilabas na at meron naman tayong mga outlet gaya ng Kadiwa kung saan p’wede nating ibaba,” sabi pa ni Speaker Romualdez kasabay ang paghimok sa mga negosyante na suportahan ang Kadiwa store kung saan maaaring makabili ng mga produkto na mas mababa ang presyo.

“We call on our rice czar, si Usec. Leocadio Sebastian ng Department of Agriculture. ‘Yun po ang hangarin po ng ating mahal na presidente, President Ferdinand R. Marcos na ibaba natin ‘yung presyo. Let us follow his policy so we are calling on Usec. Sebastian, siya ang in-charge sa rice. Iyung ginagawa natin, sana tutukan talaga ‘yung sapat na suplay at ibaba kaagad ang presyo,” dagdag pa ni Romualdez.

Bukod sa mga opisyal at tauhan ng BOC, nakasama ni Speaker Romualdez sa inspeksyon sina Reps. Erwin Tulfo, Edvic Yap at Wilfrido Mark Enverga, chair ng House Committee on Agriculture and Food.

Pumunta ang BOC sa mga warehouses sa bisa ng letter of authority at pinagsusumite ng ahensya ang mga may-ari ng Great Harvest Rice Mill Warehouse, San Pedro Warehouse, at FS Rice Mill na magsumite ng mga dokumento upang patunayan na legal ang kanilang pag-angkat ng bigas.

“Rice hoarding is economic sabotage in its highest degree. It not only destabilizes prices in the market through arbitrary manipulation, but it also adversely affects the ability of Filipino families to cope with day-to-day living. And for that, hoarders should be applied the full force of the law,” sabi naman ni Enverga.

Sa nakalipas na mga linggo ay tumaas ang presyo ng bigas at kung hindi umano ito mapipigilan ay maaaring umabot sa P60 hanggang P65 kada kilo.

“We need to know if there is truly some basis to accusations that hoarders are responsible for the spike of rice prices in the market. Inspections such as these send a powerful signal to all the hoarders and manipulators out there to stop burdening the Filipino people for profit,” sabi ni Speaker Romualdez, ang kinatawan ng unang distrito ng Leyte.

Sina Reps. LRay Villafuerte, Brian Yamsuan at Wilbert Lee ay magkakahiwalay na naghain ng panukala sa Kamara upang maamyendahan at mapalakas ang anti-agricultural smuggling law at pabigatin ang parusa laban sa mga hoarder, price manipulator, at opisyal ng gobyerno na sangkot dito.

Inaasahan na ipagpapatuloy ni Speaker Romualdez ang pagsasagawa ng inspeksyon sa iba pang warehouse.

Sinabi ni Romualdez na sinasamantala ng mga hoarder at price manipulator ang “lean months” at iniipit ang suplay ng bigas upang tumaas ang presyo nito at lumaki ang kanilang kita.

Leave a comment