
NI MJ SULLIVAN
Tuluyan nang naging aktibong bagyo ang binabantayang low pressure area ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa inilabas na tropical cyclone bulletin no. 1 ng PAGASA, ang LPA ay naging tropical depression Goring na huling namataan sa layong 400 km silangan ng Calayan, Cagayan.
Taglay nito ang lakas na hangin na nasa 55 km/h malapit sa gitna at pagbugso na nasa 70 km/h at kumikilos nang dahan-dahan sa kanluran hilagang kanluran.
Magdadala ng malakas na pag-ulan ang TD Goring sa buong bansa sa loob ng tatlong araw habang nasa karagatan pa at hindi pa nagla-landfall.
Inaasahan namang paiigtingin ng TD Goring ang hanging habagat na magpapaulan simula sa araw ng Linggo o Lunes sa mga lugar ng katimugang bahagi ng Central at Southern Luzon gayundin ang pagkakaroon ng malakas na hangin.
Magiging aktibo ang hanging habagat na magpapaulan sa Southern Luzon, Visayas, at sa ibang bahagi ng Caraga.
Nakataas ang tropical cyclone wind signal sa Northern Luzon ngayong gabi o bukas ng umaga.
Ayon pa sa PAGASA, kung hindi magbabago ang kilos ng TD Goring ay maaaring maging tropical storm ito ngayong gabi o bukas ng umaga .
Nagbabala rin ang PAGASA, bukas ng umaga ay asahan ang pagkakaroon ng moderate rough seas na nasa 1.5 hanggang 2.5 meters sa karagatan sakop ng extreme Northern Luzon at hilagang silangan ng mainland Cagayan kung kaya’t pinag-iingat ang mga maliliit na sasakyang pandagat.
