Solon sa DTI: Pagkalat ng pekeng produkto hagilapin

Senador Christopher”Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Nagpahayag ng pagkabahala si Senador Christopher “Bong” Go sa hindi mapigilang paglaganap ng mga pekeng produkto sa merkado na malaking epekto sa socio-economic ng bansa.

Kasabay nito, kinalampag ni Go ang Department of Trade and Industry (DTI) at iba pang ahensya ng pamahalaan na siguruhin na naiimplementa ang Consumer Act at napoprotektahan ang karapatan ng mga mamimili.

“Nasa Senate Committee on Trade na ang isyu hinggil sa proliferation ng mga fake products sa merkado. At bilang miyembro ng komiteng ito, asahan na talagang tutukan ko ang isyung ito,” sabi ni Go.

Ito ay sabi ng senador matapos ang napaulat na paglaganap ng mga scammers na nagsasamantala sa mga celebrity visuals para sa mga hindi rehistradong pag-endorso ng gamot.

Nauna ring idiniin ni Go ang pangangailangang i-regulate ang operasyon ng mga online pharmacy sa bansa, gaya ng iminungkahi sa ilalim ng eBotika bill, na inihain ni Iloilo 4th District Representative Ferjenel Biron.

Samantala, ipinangako ng senador sa mga consumers ang suporta sa kanyang co-sponsorship at co-authorship ng Senate Bill 1846, o ang Internet Transactions Bill, na naglalayong labanan ang paglaganap ng mga pekeng produkto sa pamamagitan ng proteksyon ng mga consumers at merchant na nakikibahagi sa e-commerce.

Ang panukalang batas ay sumasalamin sa isang napapanahong tugon sa epekto ng pandaigdigang pandemya sa pagpapalakas ng online business sa buong bansa, kung saan tumaas ang panganib na makatagpo ng mga pekeng produkto.

“The pandemic required us to explore new ways and more convenient options to do business. As we enter the new normal, online transactions have become a necessity, if not the new norm for all of us. This makes the issue of fake products even more pressing,” ayon pa kay Go.

Binanggit pa nito ang malawak na saklaw ng e-commerce, kabilang ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, inumin, at damit, kung saan ang mga pekeng produkto ay maaaring makalusot sa merkado.

Ang ekonomiya ng internet ng bansa ay inaasahang lalago sa $26 bilyon sa Gross Merchandise Value pagsapit ng 2025, ayon sa 2021 eConomy SEA Report ng Google at Temasek, na binibigyan-diin ang pangangailangang tugunan ang isyu ng pekeng produkto.

Sinabi pa ni Go ang kahalagahan ng pagprotekta sa mga maliliit na negosyo at mga online seller mula sa pagkalat ng pekeng produkto, lalo na sa mga panahong ito, dahil ito ay mahalaga sa pagbangon ng bansa.

“Protektahan po natin ang ating mga maliliit na negosyo at ating mga online sellers na ang gusto lamang ay maghanapbuhay para sa kanilang mga pamilya, lalung-lalo na po ngayong panahong ito,” sabi ni Go.

“The proliferation of fake products undermines their efforts and is detrimental to the recovery of our country,” dagdag pa nito.

Leave a comment