
Ni NOEL ABUEL
Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ngayong Sabado ang dry-run ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair dry-run sa Naval, Biliran kung saan pinagsama-sama sa iisang bubong ang may 50 programa at serbisyo na hatid ng 33 ahensya ng gobyerno.
Nagmigay rin ng P80 milyong halaga ng tulong ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay Romualdez ang dalawang araw na serbisyo fair sa Biliran ay tugon sa hamon ni Pangulong Marcos na pabilisin ang ibinibigay na serbisyo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa taumbayan.
“Hinamon tayo ni Pangulong Marcos, Jr. na pabilisin ang paghahatid ng serbisyo ng gobyerno sa bawat sulok ng bansa. At bilang tugon dito, naisipan naming maglunsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair. Kasama natin sa adhikain na ito ang buong kasapian ng House of Representatives,” sabi ni Romualdez, lider ng 311 miyembro ng Kamara.
Kasama ni Romualdez sa paglulungsad ng pilot launch sina Tingog party list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude Acidre.
Dala ng Serbisyo Fair sa mga residente ng Biliran ang hindi bababa sa 50 programa, serbisyo at tulong gaya ng TUPAD at AICS.
“Sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair, nais namin na maging tulay upang mas mabilis ninyong makuha ang mga serbisyong kailangan ng inyong mga pamilya. Sa bawat tigil ng Serbisyo Fair sa iba’tbibang parte ng bansa, handa kaming maghatid ng ayuda, impormasyon, at gabay sa lahat ng inyong pangangailangan – mula sa kalusugan, edukasyon, hanggang sa hanapbuhay,” ani Romualdez.
“Sa inyong pakikiisa, mas marami tayong matutulungan at mabibigyan ng solusyon. Kaya naman, hinihikayat ko po kayo na maging aktibong bahagi ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair at magtulungan tayong lahat para sa mas mabuting kinabukasan ng bawat Pilipino,” sabi pa nito.
Nagpasalamat naman si Biliran Rep. Gerardo “Gerryboy” Espina, Jr. dahil napili ang kanyang probinsya na pagdausan ng dry-run.
“Nagpapasalamat kami kay Presidente Bongbong Marcos dahil sa ilalim ng kanyang pamumuno nagkakaroon na tayo ng mga ganitong programa na mas pinapadali para sa taong bayan na makatanggap ng serbisyo mula sa gobyerno,” sabi ng kongresista.
Sa paglulungsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair na inaasahang makakapaghatid ng serbisyo sa mahigit 900,000 indibwal, sinabi ni Romualdez na ang kontribusyon ng Kamara ay hindi na lamang magiging limitado sa tanggapan nito kundi ilalapit sa mga nangangailangan.
Sa Biliran ay nasa 26,000 ang nakinabang sa mga serbisyo at programa kasama na ang 20,000 na nabigyan ng ayuda sa ilalim ng AICS, TUPAD, at scholarship program.
Habang mahigit 5,000 residente ay nabigyan naman ng non-cash assistance gaya ng health at medical services.
Ang mga makukuhang serbisyo sa Serbisyo Fair ay ang mga sumusunod:
- Financial assistance programs
- Medical and dental assistance (LAB for ALL)
- Kadiwa ng Pangulo
- SB Corp. services para sa MSMEs
- Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa (PPG)
- Educational assistance
- Burial assistance
- Transportation assistance
- Enrollment sa TUPAD o GIP
- Legal counseling
- Farm inputs at makinarya
- Tulong Dunong Program
- TESDA scholarships at enrollmemt sa mga programa nito.
Maaari rin sa Serbisyo Fair ang mga sumusunod:
- LTO driver’s license renewal
- DFA passport application
- NBI clearance application
- Police clearance application
- LTOPF renewal/application
- PSA birth certificate application
- Pag-ibig membership at housing loan
- SSS membership application
- GSIS UMID application
- Postal ID application
- National ID application
- First Responders’ training/enrollment
- PhilHealth consultation
- Public service training
- PRC renewal
- PAO free legal services
- PhilHealth registration
Ayon kay Romualdez layunin ng tig-dalawang araw na caravan na maiparating sa publiko ang mga serbisyong hatid ng gobyerno.
“Sa pagkakataong ito, muli nating napapatunayan ang matibay na diwa ng pagkakaisa at pagtutulungan nating mga Pilipino. Taos-puso akong nagpapasalamat sa inyong lahat sa pagdalo at pakikiisa sa ating pagtitipon ngayong araw,” sabi ni Speaker Romualdez.
Batay sa tentative schedule ang Serbisyo Fair ay pupunta rin sa Davao de Oro (Sept. 8-9), Leyte (Sept. 9-10), Ilocos Norte (Sept. 11-12), Laguna (Sept. 30 to Oct. 1), Camiguin (Oct. 14-15), Bohol (Oct. 28-29), Camarines Norte (Nov. 11-12), Bukidnon (Nov. 25-26), at Eastern Samar (Dec. 9-10).
