
Ni MJ SULLIVAN
Asahan na magpapatuloy ang malakas na pag-ulan sa loob ng tatlong araw ang Zambales at Bataan at iba pang bahagi ng bansa.
Ito ang abiso ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kung saan dahil ito sa epekto ng hanging habagat na pinalalakas pa ng bagyong Goring.
Sa pinakahuling datos ng PAGASA, ang bagyong Goring ay nasa 195 km silangan ng Calayan, Cagayan taglay ang lakas ng hangin na nasa140 km/h malapit sa gitna.
May pagbugso itong aabot sa 170 km/h at kumikilos ng timog kanluran sa bilis na 10 km/h.
Ngayong araw hanggang bukas ay magiging maulan sa Zambales, Bataan at Occidental Mindoro.
Apektado rin bukas ng pag-ulan ang Cavite, Batangas, hilagang bahagi ng Palawan, kasama ang Calamian at Cuyo islands at Antique.
At sa araw ng Lunes, apektado na rin ang Guimaras, at ang hilagang kanluran ng Aklan.
Ang Central at Southern Luzon, Visayas, at Mindanao ay apektado ng habagat kung saan ang silangang bahagi ng Cagayan ay apektado naman ng bagyo na maaaring magdulot ng pagbaha.
Habang ang Batanes, Isabela, Aurora, at nalalabing bahagi ng Cagayan, maliban sa ulan ay may malakas na hangin dahil sa TY Goring.
Gayundin ang Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, at nalalabing bahagi ng Cagayan Valley ay magkakaroon ng maulap at kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog.
Ang Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, at ang Central Luzon ay makakaranas ng maulap na papawirin na may pag-ulan dahil sa habagat.
