
Ni NOEL ABUEL
Siniguro ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na magtutuluy-tuloy ang pagsasagawa ng sorpresang pag-iinspeksyon sa mga warehouses ng bigas upang mahanap ang itinatagong supply ng bigas na nagpapataas sa presyo nito sa merkado.
Sinabi ni Romualdez na makakatuwang ng Kamara ang Bureau of Customs (BOC) sa pamumuno ni Commissioner Bienvenido “Bien” Y. Rubio sa pag-iikot at pagsasagawa ng inspeksyon sa mga warehouses sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“I thank Commissioner Rubio for his initiative of peering into these suspicious warehouses at a time when Filipinos are grappling with rising prices of rice. This will make hoarders think twice about their schemes,” sabi ng lider ng Kamara.
“We need to carry out more of these inspections and I trust the commissioner to do so in order to keep rice traders obedient to the law,” dagdag pa nito.
Magugunitang noong nakalipas na Agosto 24 nang magkatuwang na suyurin ng ilang kongresista at opisyal ng BOC ang mga malalaking warehouses sa Bulacan kung saan nakaimbak ang mahigit 200,000 sako ng bigas.
Sa pamamagitan ng letter of authority (LOA) ay isinara ng mga tauhan ng BOC ang warehouses ng Great Harvest Rice Mill, San Pedro at FS Rice Mill at pinagsumite ng mga kaukulang dokumento upang patunayan na hindi smuggled ang mga ito at nabayaran ang kaukulang buwis.
Binigyan diin ni Romualdez sa isinagawang inspeksyon na dapat agad ilabas sa merkado ang natuklasang suplay ng bigas upang hindi magkaroon ng sapat na suplay sa merkado at hindi tumaas ang presyo nito.
Sa nakalipas na linggo ay nagkaroon ng pagtaas sa bentahan ng bigas sa Metro Manila na naglalaro ng P50 hanggang P62 kada kilo.
Kung hindi agad tutugunan ay posibleng pumalo pa ang presyo sa P60 hanggang P65 bawat kilo sa mga palengke.
Kinatigan naman ni Romualdez ang pahayag ni House Committee on Agriculture and Food chairperson at Quezon 1st district Rep. Wilfrido Mark Enverga na ang rice hoarding ay pinakamabigat na uri ng economic sabotage.
“Lahat ng Pilipino kumakain ng kanin. Kung may matapon o masayang na kahit kaunting bigas sa pagsasaing, nanghihinayang tayo. Kaya napakasakit at nakakapanggalit talaga itong ginagawa ng mga rice hoarders,” saad ng kongresista ng Leyte 1st district.
Pagtitiyak ng House leader na hindi hahayaan ng Kamara de Representantes na matulad ang bigas sa nangyari sa sibuyas noong nakaraang taon kung saan sumipa ng hanggang P700 kada kilo ang presyo nito.
“Shame on us, the officials in government, if we let that happen again, especially to our staple food. Thanks to the hearings in aid of legislation led by Cong. Enverga, we already know exactly how a cartel works. Pipigilan natin sila, hindi natin sila hahayaang makapuntos muli,” pagtitiyak ni Romualdez.
