Sino si Eda?

TANONG ito ng mga operator sa mundo ng illegal na e-sabong.

Ayon sa ating source, si Eda ay mula sa Tondo, Manila. Katunayan, natalo ito sa nakaraang barangay elections nang tumakbo bilang kagawad.

Ang negosyo nito dati ay pag-aalahas at pagne-networking.

Pero dahil marunong sa ‘Information Technology’ (IT), pinasok nito ang sindikato ng illegal na online sabong.

Ang hawak nitong illegal e-sabong ngayon ay ang Global Sabong Play na ang main illegal operation ay sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Ang studio ng Global Sabong Play ay sa Lian o Rosario, Batangas.

Palipat-lipat ang studio ng pagbo-broadcast ng illegal na e-sabong ng grupo ni Eda upang hindi umano mahagip ng intelligence community.

Bagaman parating ipinagmamalaki ni Eda na nagbibigay siya ng timbre ng tig-P100,000 kada linggo sa mga chief of police ng Batangas.

Kahit ang pangalan ni Col. Rainerio de Chavez, provincial director ng Batangas Police Provincial Office, ay kinakasangkapan ni Eda — bagay na ayaw nating paniwalaan.

Kung dati’y nakatira lamang sa Tondo, ngayo’y may mala-palasyo na itong mansiyon sa isang exclusive subdivision at nagmamay-ari na rin ng mga luxury vehicles tulad ng Toyota Land Cruiser at Ferrari.

Mistulang mayroon na rin itong sariling private army dahil ang bodyguards nito ay mahigit 12 security personnel, bukod pa sa mga armadong kalalakihan na nakapaligid sa kanyang mansiyon at hideout ng illegal na operasyon.

Si Eda at ang grupo nito sa Global Sabong Play ang isa sa lantarang bumababoy at bumabastos sa Executive Order No. 9 ng Pangulong Bongbong Marcos.

Ang EO No. 9 ay direktiba ni PBBM na nag-uutos sa kapulisan at lokal na opisyales ng pamahalaan na hinding-hindi pinapayagan ang e-sabong, legal man dati ito o illegal na ngayon!

Tanong ko tuloy ngayon kay PNP chief Gen. Benjamin Acorda, Jr., ay ‘Kaya pa ba, Sir?’


Para sa anumang reaksyon, suhestiyon at sumbong, tumawag o mag-text sa cell phone no. 09157412674.

Leave a comment