Solon sa employers: Bayaran ang SSS contribution ng manggagawa

Ni NOEL ABUEL

Nanawagan ang isang kongresista sa mga pribadong employers na nabigo sa pag-remit ng social security contribution ng kanilang mga empleyado na tuparin ang kanilang mga obligasyon.

Ayon kay Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles, chairman ng House committee on Labor and Employment, hindi dapat na talikuran ng mga employers ang kanilang obligasyon sa kanilang mga manggagawa.

“Hinihimok natin ang mga employer na huwag talikuran ang kanilang responsibilidad. Bayaran po natin ang mga premium ng mga empleyado natin,” aniya.

Nauna nang ibinulgar ng Commission on Audit (COA) na nasa 466,881 employers sa buong bansa ang nabigong mag-remit ng mahigit sa P92.49 bilyong halaga ng premium collections sa Social Security System (SSS) noong nakalipas na taon.

Ayon pa sa state auditors, According to COA’s audit report, ang SSS ay nakokolekta lamang ng P2.48 bilyon, o mas mababa sa tatlong porsiyento, ng P94.97 bilyon na target sa pagtatapos ng 2022.

Idinagdag pa ng COA na ang National Capital Region (NCR) ang nakapagtala ng pinakamababang porsiyento ng koleksyon sa P383.78 milyon mula sa target na P64.67 bilyon (0.59 porsiyento), na sinundan ng natitirang bahagi ng Luzon sa P747.59 milyon mula sa P22.33 bilyon (3.35 porsiyento).

Ang porsiyentong koleksyon ng Visayas ay nasa P305.54 milyon mula sa P6.48 bilyon (4.72 porsiyento), at ang Mindanao ay nasa P405.8 milyon mula sa P7.33 bilyon (7.42 porsiyento).

Binigyan-diin ni Nograles na ang mga hindi nakolektang premium ay napakahalaga sa pagtiyak ng kakayahan ng SSS na panindigan ang tungkulin nitong magbigay ng proteksyon sa social security.

“Nakasalalay po sa mga koleksyong ito ang kakayahan na patuloy na ibigay sa mga miyembro ang mga claims at benefits na karapatan nilang matanggap,” ayon sa kongresista.

Idinagdag pa nito na maaaring samantalahin ng mga employers ang contribution penalty condonation programs na iniaalok ng SSS para ma-waive ang kanilang mga parusa.

“Huwag na po natin hintayin na masampahan tayo ng kaso dahil sa hindi natin pagbayad,” sabi pa ni Nograles.

Leave a comment