3 Pinay na nakulong sa China balik bansa na — BI

Ni NERIO AGUAS

Tatlong Pinay na biktima ng human trafficking ang nakauwi na ng bansa matapos na makulong ng mahigit sa isang taon sa China.

Ang mga biktima na itinago sa mga pagkakakilanlan ay pawang mga nasa 40-anyos, at kasalukuyang nasa pangangalaga ng mga tauhan ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).

Sa ulat kay BI Commissioner Norman Tansingco, sinabi ni immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) chief Ann Camille Mina na ang 3 babae, ay dumating sakay ng China Southern Airlines flight mula Guangzhou, China, noong nakalipas na Agosto 24.

Sinasabing iligal na na-recruit ang mga biktima para magtrabaho sa ibang bansa kung saan nagtrabaho ang mga ito bilang waitresses at household workers.

Sa record ng BI, umalis ng bansa ang mga biktima bilang turista subalit nabiktima ng scamming matapos alukin na magkakaroon ng work visa para makapagtrabaho sa China.

Iniulat na inaresto ang mga ito ng immigration police sa China dahil sa overstaying at nakulong ng mahigit isang buwan sa bilangguan.

Nang makarating sa Konsulado ng Pilipinas sa Guangzhou ang sinapit ng mga biktima ay agad na namagitan at tumulong sa pagbabalik ng mga biktima sa Pilipinas.

“This is but one of the possibilities that our kababayans may face if they work illegally abroad. We urge aspiring overseas workers not to resort to illegal means to be able to work,” sabi ng BI chief.

Leave a comment