
Ni KAREN SAN MIGUEL
Nabigo ang Department of Education (DepEd) na gastusin ang P14.497 bilyong alokasyon noong 2022 para sa computerization, pagkuha ng mga kagamitan, basic education facilities, at pagkuha ng mga guro at non-teaching personnel
Ito ang sinabi ng Commission on Audit (COA) base sa 2022 audit sa DepEd na inilabas noong Agosto 24, kung saan ang P12.97 bilyon o 89 porsiyento ng hindi nagamit na pondo ay sa ilalim ng DepEd Central Office (CO) kabilang ang P9.113 bilyon para sa Computerization Program; P2.13 bilyon na inilaan sa Learning Tools and Equipment; P1.048 bilyon para sa School Furniture Program at water sanitation facilities; at P675.75 milyon para sa textbooks at instructional materials.
Tinukoy ng COA ang E-Classroom packages na nagkakahalaga ng P8.151 bilyon na dapat ay naibigay noong Disyembre ng nakalipas na taon subalit walang nangyaring delivery.
Sa ilalim ng DepEd National Capital Region (NCR), hindi rin ginalaw ang P1.069 bilyon na alokasyon para sa pagkuha ng mga guro at non-teaching personnel.
Sinabi ng state auditors na ang hindi napunan na mga plantilla position ay nasa Schools Division Offices (SDOs) ng Quezon City, Manila, Valenzuela, Malabon, Navotas, Pasay, Pasig, Marikina, at San Juan.
Sa Mindanao, ang SDOs ng Surigao City at Surigao del Norte sa Region 13 (Caraga) ang nabigo na gamitin ang P156.08 milyon habang sa SDO Cotabato ay hindi rin ginastos ang P106.577 milyon na nagamit sana sa pagkuha ng mga guro.
Sa kabilang banda, ang DepEd Cordillera Administration Region ay hindi rin nagamit ang P76.89 milyon habang ang DepEd Region 1 (Ilocos Region) ay mayroong P61.796 milyon din para sa mga textbook at instructional materials at ang Special Education Program.
Ang iba pang tanggapan ng DepEd na nakalista rin na may idle funds ay ang SDOs ng Romblon at Palawan sa Region 4B (Mimaropa) na may P21.58 milyon sa mga proyektong hindi naipatupad; SDO Kidapawan City na may P16.346 milyon; DepEd Region 10 (Northern Mindanao) na may P10.413 milyon; SDO Catanduanes na may P8.335 milyon; at SDO Pangasinan II na may P3.479 milyon.
Sinabi ng state auditors na ang kabiguan ng DepEd sa paggamit ng mga pondong inilalaan ay kumukuwestiyon sa mahusay at epektibong pamamahala at paggamit sa pondo at mga mapagkukunang salapi.
“Being an implementing arm of the government in promoting basic education, the existence of unobligated allotments reflects management’s inability to maximize the use of its authorized budgetary and cash requirements, thus depriving students of the maximum benefits,” sabi ng audit team.
Sumang-ayon ang DepEd-CO na kailangan nitong tukuyin at tugunan ang mga kabiguan sa procurement procedures nito upang matiyak ang napapanahong paghahatid ng mga kagamitan.
