PS-DBM executives sigurado sa graft and corruption –Ombudsman

Ni KAREN SAN MIGUEL

Nagpaliwanag ang Office of the Ombudsman kung bakit kasong graft and corruption at hindi plunder ang isinampa laban sa mga sangkot sa P4.165 bilyong COVID test kit procurement deal.

Ayon kay Ombudsman Samuel Martires, base sa nakalap na ebidensya ng mga panel of investigators, nagpapakita na ang mga respondents na opisyales ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) ang lumabag sa batas na pinili ang Pharmally Pharmaceutical Corp (Pharmally) sa halip na ibang suppliers.

Aniya, kung walang ebidensya na magtuturo kung sinumang opisyal ng pamahalaan ang nagkamal ng P50 milyon o higit pa ay walang masasampahan ng kasong plunder.

Bagama’t ang halagang sangkot ay mas malaki kaysa sa threshold na halaga na P50 milyon na itinakda sa ilalim ng RA 7080 o ang Plunder Law, sinabi ng Ombudsman na dapat ding matukoy ng ebidensya kung sino ang nakinabang sa transaksyon.

“Natanim sa isip ng tao na kapag P50 million, plunder na ‘yan. But the problem is sa decision ng Supreme Court in the Macapagal Arroyo case vs People, …the particular public officer must be identified as the one who amassed, acquired or accumulate ill-gotten wealth,” paglilinaw ni Martires sa online briefing sa mga mamamahayag.

Sa imbestigasyon sa pagbili ng Reverse Transcription- Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test kits mula sa Pharmally, ang mga pangalan lamang ni dating PS-DBM executive director Lloyd Christopher Lao, dating director Warren Rex Liong, at procurement management officer Paul Jasper de Guzman ang lumutang ngunit walang nakasaad na sinuman sa kanila ang nag-uwi ng komisyon o kickback na nagkakahalaga ng P50 milyon o higit pa.

“Hindi talaga uubra ang plunder. Matagal itong pinagtalunan sa opisina sa Ombudsman, but that is the only evidence on record that we have. Wala kaming pwedeng idagdag, wala kamin pwede ibawas,” ayon pa sa Ombudsman.

Sa 87-pahinang resolusyon na ibinigay sa mga mamamayag noong Agosto 24, iniutos ng Ombudsman ang pagsasampa ng tatlong kaso ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019) sina Lao, Liong, at De Guzman.

Kinasuhan din sa lahat ng tatlong bilang ng graft sina Pharmally president Twinkle Dargani, treasurer at secretary Mohit Dargani, directors Linconn Ong at Justine Garado, at board member Huan Tzu Yen.

Nahaharap naman sa tig-isang graft charge sina PS-DBM Christine Marie Suntay, procurement management officer Webster Laureñana, PS-DBM officers August Ylagan at Jasonmer Uayan, at Pharmally employee Krizle Grace Mago.

Naniniwala si Martires na malakas ang kasong graft laban sa mga opisyales ng PS-DBM.

“Ang maliwanag sa record is that some officials of PS-DBM favored Pharmally du’n sa kontrata sa test kits. So ano ang naging decision was to charge them for …awarding the contract to Pharmally through manifest partiality or evident bad faith,” ayon sa OMB.

Gayunpaman, sinabi ni Martires na maaaring amiyendahan ng prosekusyon ang impormasyon at i-upgrade ang kaso sa plunder pagkatapos ng muling pagsisiyasat kung ang isa o higit pa sa mga respondents ay maging state witness at magbigay ng kinakailangang ebidensya upang patunayan ang ill-gotten wealth.

“If one of the accused would turn state witness and say na naibigay nila to either Lao, Liong or any DBM official amounting to P50M or more, then we might reconsider conducting another preliminary investigation and amending the information. Yes, why not?” sabi nito.

Samantala, base sa mga dokumento na ibinigay ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Martires na walang nakita ang mga imbestigador na magsasangkot kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang negosyanteng at dating presidential adviser Michael Yang sa usapin ng Pharmally.

“Nobody really pointed directly to Michael Yang as having participated in the supply of test kits. Na-drag lang ang pangalan but there is no evidence on record na involved. Tumitigil lahat kina Lao at Liong,” ayon pa sa Ombudsman.

At sa kaso ni Duterte, mas mahina aniya ang ebidensya laban dito at pawang mga alegasyon lamang at walang sapat na ebidensya na magtuturo dito.

Leave a comment