Bagyong Goring lalabas na ng PAR; 1 pang LPA binabantayan ng PAGASA

NI MJ SULLIVAN

Makakaranas ng malalakas na pag-ulan na may kasamang hangin ang hilagang silangan ng Babuyan Islands at iba pang kalapit lugar bunsod ng epekto ng bagyong Goring habang unti-unti nang lumalabas ng bansa.

Samantala, isa pang sama ng panahon ang inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility na kung magiging bagyo ay tatawaging Bagyong Hanna.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang bagyong Goring sa layong 220 km ng silangan ng Aparri, Cagayan taglay ang malakas na hangin na 155 km/h malapit sa gitna at pagbugso na nasa 190 km/h.

Kumikilos ito pahilaga-hilagang kanluran sa bilis na 10 km/h.

Dahil dito nakataas na ang tropical cyclone signal no. 3 sa Babuyan Islands na makakaranas ng malakas na hangin na nasa 89 km/h hanggang 117 km/h sa loob ng 18-oras.

Nakataas naman ang signal no. 2 sa iba pang bahagi ng Babuyan Islands, at sa dulong hilagang-silangan ng mainland Cagayan kasama ang Santa Ana, at Gonzaga.

Signal no. 1 naman sa hilaga at silangang bahagi ng mainland Cagayan kabilang ang  Camalaniugan, Pamplona, Santa Teresita, Baggao, Buguey, Claveria, Aparri, Ballesteros, Abulug, Sanchez-Mira, Santa Praxedes, Allacapan, Lal-Lo, Lasam, Peñablanca, Iguig, Amulung, Gattaran, Alcala, Santo Niño.

Ang silangang bahagi ng Isabela kasama ang Dinapigue, San Mariano, Ilagan City, Tumauini, San Pablo, Cabagan, Maconacon, Divilacan, Palanan); hilagang bahagi ng Apayao (Flora, Calanasan, Luna, Pudtol, Santa Marcela), at ang hilagang bahagi ng Ilocos Norte (Vintar, Pasuquin, Burgos, Dumalneg, Adams, Pagudpud, Bangui)

Paiigtingin ng bagyong Goring ang hanging habagat na magdadala ng malalakas na ulan at hangin sa katimugang bahagi ng Central Luzon, Southern Luzon at Visayas sa loob ng tatlong araw.

Ngayong araw ay magpapatuloy ang malakas na pag-ulan sa Metro Manila, Aurora, Bataan, Bulacan, (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon (Calabarzon), (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan (Mimaropa), Bicol region, Visayas, Dinagat islands, Camiguin, at malaking bahagi ng Zamboanga Peninsula.

Habang bukas ng umaga ay apektado ang Ilocos region, Zambales, Bataan, Bulacan, Aurora, MM, Calabarzon, Mimaropa, Bicol region, at Visayas at sa Huwebes naman ay apektado na rin ang Cordillera Administrative Region, Zambales, Bataan, Bulacan, Aurora, MM, Calabarzon, Mimaropa, Bicol region at Western Visayas.

Pinag-iingat din ng PAGASA ang mga mangingisda na huwag munang pumalaot kung saan nakataas ang gale warning sa eastern at western seabords ng Central Luzon, ng seaboards ng Southern Luzon, ng Visayas, at northern seaboard ng Mindanao.

Inaasahan namang bukas ng gabi ay lalabas na sa Philippine Area of Responsibility ang bagyong Goring at tatahakin ang southern China o ang Hong Kong/Pearl river Delta area.    

Leave a comment