Paggamit ng batuta at pito iginiit ni Senador Ronald ‘Bato” Dela Rosa

Ni NOEL ABUEL

Iginiit ni Senador Ronald “Bato’ Dela Rosa na ibalik ang paggamit ng batuta at pito o silbato ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) bunsod na rin ng ulat na maraming pulis ang gumagamit ng baril basta-basta na lamang.

Sa patuloy na pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, na duminig sa pagpatay sa 17-anyos na binatilyo sa Navotas City, sinabi ni Dela Rosa na personal na sinabi nito kay PNP chief Maj. Gen. Benjamin Acorda, na dahil sa dire-diretsong gumagamit ng baril ang mga pulis ay dapat na gumamit na muli ang mga ito ng batuta at pito.

“Siguro, huwag na kayong maghintay pa na gagawa pa tayo ng batas, ang Senado o ang Kongreso. Gawin na ninyo ngayon. Unahan na ninyo. You make your own policy. Ibalik ninyo iyan, as part of the uniform, iyong batuta at saka iyong pito,” sabi ni Dela Rosa.

Giit pa ni Dela Rosa, sa kasalukuyan ay wala nang pulis ang gumagamit ng batuta at pito dahil marami sa mga tauhan ng PNP ang napapangitan ang mga ito kung kaya’t mas gusto ang baril.

“Wala kayong pito, wala kayong batuta, ang meron lang baril. So kaya nga siguro, diretso ang paggamit ng baril dahil walang opsyon na ginagawa ang mga pulis kudi diretso baril agad na ginagamit,” aniya.

“So babalik tayo ngayon doon sa iyong traditional policing na kailangan, iyong as a part of the uniform ng isang pulis, may batuta at merong pito. Iyong batuta naman, ayaw magdala ng pulis dahil napapangitan daw sila,” aniya pa.

Ayon pa kay Dela Rosa, ang PNP ay mayroon namang baton, truncheon o night stick o telescopic truncheon o telescopic baton.

Paliwanag pa ng senador, maaaring magamit ang pito at baton sa paghuli sa masasamang loob at hindi lamang ang paggamit ng baril.

Leave a comment