
Ni NOEL ABUEL
Hinimok ni Senador Imee Marcos ang Department of Trade and Industry (DTI) na paigtingin pa ang mga biglaang inspeksyon sa mga nagtitinda ng school supplies.
Sinabi ni Marcos na ilang magsasamantalang mga negosyante ang lalabag sa sobra-sobrang presyo ng school supplies sa unang linggo ng pagbubukas ng klase lalo na’t magkukumahog ang mga estudyante at mga guro na kumpletuhin ang kanilang mga gamit pang-eskwela.
“Iniisnab ng mga tindera ang price guide ng DTI, ” ani Marcos kaugnay sa ‘Gabay sa Pamimili ng School Supplies sa 2023’ ng kagawaran.
Sa isinagawang pagmo-monitor ng opisina ng senador sa presyo ng school supplies sa ilang palengke sa Metro Manila noong weekend at Lunes, ang mga notebook ay nagkakahalaga ng P23 hanggang P60 pesos bawat isa, o hanggang walong piso higit pa kaysa sa P23 hanggang P52 pesos na nakalista sa gabay-presyo ng DTI.
Mas mura ang pad paper ayon sa gabay-presyo ng DTI, na nagkakahalaga ng P20 hanggang P28 ngunit umabot ng P35 lalung-lalu na sa mga palengke sa Caloocan at Rizal.
Ang mga krayola na iba’t ibang dami ay nagkakahalaga ng P30 hanggang P100 kada lalagyan, samantalang sa gabay-presyo ng DTI ay P24 hanggang P69 pesos lamang.
Gayunpaman, mas mababang presyo, tulad ng iba’t ibang lapis at ballpen, ay mabibili sa P7 hanggang P11 kumpara sa listahan ng DTI na nagkakahalaga ng P11 hanggang P17.
Ang mga naghahanap ng mura sa Divisoria na bumibili ng maramihan ay makakakita na ang regular na mga notebook na dati’y nagkakahalaga ng P180 hanggang P200 kada ream ay ngayon ay nagkakahalaga ng P250 samantalang ang spiral na mga notebook na dati’y nagkakahalaga ng P180 hanggang P220 kada ream ay nagkakahalaga ng hanggang P300.
Pinuri ni Marcos ang DTI sa mga biglaang inspeksyon nito sa Divisoria at iba pang palengke sa nakaraang dalawang linggo ngunit sinabi na pagkatapos ng inspeksyon, muling nagtaasan ang mga presyo nito.
“Ilang magulang ang mismo nang nagsabi na wala rin silang magawa kahit ipamukha sa mga nagtitinda ang gabay-presyo ng DTI,” sabi ni Marcos.
“Klaro na mas kailangang tutukan pa,” dagdag pa ng senador.
