
Ni NOEL ABUEL
Isinusulong ni Senador Lito Lapid ang pagbibigay ng Credit Assistance Program para sa mga overseas Filipino workers(OFWs).
Sa inihain nitong Senate Bill No. 2390, tinatayang mahigit sa 2 milyong OFWs ang nagtatrabaho sa iba’t ibang bahagi ng mundo noong 2016, base sa survey ng Philippine Statistics Authority(PSA).
Ayon kay Lapid, sobrang laki ng ambag ng mga OFWs sa ekonomiya ng bansa mula sa kanilang ‘remittances’ kada taon.
Dahil dito, mas makabubuti aniyang suklian ang kanilang sakripisyo sa ibang bansa para sa pamilya ng mga ito.
“Mabibigyan natin ng kaukulang tulong ang mga OFWs sa pamamagitan ng CAP na magkakaroon sila ng mas mabilis na access sa serbisyo at maibsan ang mahaba at matagal na proseso sa pangungutang ng pondo,” diin ng senador.
Sa ilalim ng panukala, makaka-avail ang mga OFWs ng pautang na hanggang P50,000 mula sa Overseas Workers Welfare Administration(OWWA).
Paliwanag pa ni Lapid, ito’y upang magkaroon ng panggastos ang pamilya ng OFWs sa loob ng tatlong buwan, kabilang na rin ang bayad sa recruitment process at plane tickets.
Sa ilalim ng Lapid bill, ang utang ay pwedeng bayaran sa loob ng 12 buwang installments o higit pa pero hindi lalagpas sa 24 na buwan na may interest rate na anim na porsiyento kada taon.
