
Ni NOEL ABUEL
Pinababayaran ni Senador Chiz Escudero sa Bureau of Immigration (BI) ang mga gastos sa paglalakbay ng mahigit 32,000 pasahero na na-offload mula sa kanilang mga flight dahil sa matagal na interogasyon ng mga BI officers sa pagkukunwari ng pakikipaglaban sa human trafficking.
Sa isang manifestation na sumusuporta sa privilege speech ni Senate President Juan Miguel Zubiri na tumutuligsa sa mga bagong alituntunin na inilabas ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), sinabi ni Escudero na dapat managot ang mga opisyal ng BI sa mga paghihirap ng mga na-offload na biyahero.
Ang bagong patakaran, na nakatakdang magkabisa sa Setyembre 3, ay labis na pinuna ng publiko sa iba’t ibang mga platform ng social media, lalo na ang mga karagdagang paper requirements na nakadagdag umano sa masalimuot at nakakapagod na paglalakbay sa ibang bansa.
“Hinahayaan dapat silang magbiyahe at hayaan nating ‘yung bansang kanilang pupuntahan ang tumingin at magtanong: meron ka bang pambayad sa hotel? May insurance ka ba? Dahil bago sila inisyuhan ng visa, Mr. President, tiningnan at hiningi na lahat ‘yan ng mga embassies. Bakit kailangan pa ipresenta muli sa ating mga immigration officers sa airports?” tanong ni Escudero.
Para maturuan ng leksyon ang BI, sinabi ni Escudero na dapat nilang pagbayaran ang mga problemang idinulot nila sa mga Pilipinong gustong bumiyahe.
“May I seek the chamber’s support that we include a provision in the proposed 2024 national budget that these 32,404 passengers and anyone who will be offloaded will be reimbursed in so far as their expenses is concerned,” ani Escudero.
“This will be chargeable against the immigration fees being collected by the BI since a percentage of this goes to them anyway. Let it hurt them, Mr. President, so that they learn their lessons and they exercise the power given to them not arbitrarily but with due diligence and care,” dagdag nito.
Ayon sa tala ng BI, may kabuuang 32,404 na pasaherong Pinoy ang hindi pinayagang tumuloy sa kanilang mga flight noong nakaraang taon, kung saan 472 dito ang napag-alamang biktima ng human trafficking o illegal recruitment.
Gayunman, sinabi ng Bicolano na senator, na hanggang ngayon, walang patunay at pinal na desisyon na nagsasabing ang mga na-offload ay sangkot sa prostitusyon o human trafficking.
“Therefore, it just behooves government to reimburse these 32, 404 retroactively, even for previous years, chargeable from the fees collected by the Immigration and I hope that you, Mr. President, can lead us insofar as inserting that special provision in the budget of the BI for 2024,” giit nito.
