
Ni NOEL ABUEL
Magkatuwang na naghain ng resolusyon sina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senador Pia Cayetano para imbestigahan sa Senado ang viral road rage incident na nangyari kamakailan sa Quezon City, sangkot ang isang dating pulis at isang siklista.
Sa Senate Resolution No. 763, ihinayag ng dalawang senador na ang insidente ay may kinalaman sa paniniguro ng kaayusan at kaligtasan ng publiko, kung kaya’t hindi ito pwedeng basta aregluhin lamang, o ipagsawalang-bahala ng mga awtoridad.
“This is a serious case involving public order and safety, which cannot simply be settled amicably and swept under the rug,” pagdidiin nina Cayetano at Zubiri.
Iginiit din ng dalawang senador na may kinalaman ang road rage sa konsepto ng ‘road sharing,’ na kadalasan ay ‘di sineseryoso ng mga motorista.
Sa ilalim ng konseptong ito, lahat anila ay may patas na karapatang gumamit ng mga pampublikong kalsada – kabilang ang mga pedestrian, commuters, siklista, motorcycle riders, at mga nagmamaneho ng four-wheeled vehicles
“The issue also highlights the safety of cyclists on the road, and the issue of road sharing, a concept that remains ignored by and alien to many Filipino motorists, which means that one must share in the responsibility of ensuring everyone’s safety, as everyone has an equal right to access public roads,” saad pa ng resolusyon.
Inihayag nina Cayetano at Zubiri na tungkuling itaguyod ng bansa ang Sustainable Development Goal 11, o ang Sustainable Cities and Communities.
Sa ilalin nito ay dapat siguruhin ng pamahalaan ang kaligtasan, inklusyon (inclusion), at pag-unlad ng bawat miyembro ng lipunan.
“It is vital that we protect our cyclists traversing in traffic through the provision of physical barriers to ensure their safety, which is encapsulated in Senate Bill No. 1290, entitled the Walkable and Bikeable Communities Act,” sabi ng mga ito.
Sinabi naman ni Senador Jinggoy Estrada na hindi nito nagustuhan ang ginawang press conference sa Quezon City Police District ni Wilfredo Gonzales.
“Bakit sa kanyang presscon na mukhang inisponsoran at binack-up-an pa ng kanyang mga kabaro sa PNP, ay mga vloggers at netizens pa ang sinisisi dahil na-expose ang maling gawain niyang ito?” tanong nito.
