Super Typhoon Goring napanatili ang lakas: Bagyong Hanna papasok sa PAR bukas ng umaga

NI MJ SULLIVAN

Asahan pa rin ang malalakas na pag-ulan at hangin sa ilang bahagi ng Cagayan, Batanes at Babuyan Islands.

Base sa pinahuling weather advisory ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), dakong alas-8:00 ngayong umaga ay nakita ang sentro ng Super Typhoon Goring sa layong 90 kms kanluran timog kanluran ng Basco, Batanes.

Kumilos ito ng pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 15 km/h taglay ang lakas ng hangin na nasa 195 km/h malapit sa gitna at pagbugso na nasa 240 km/h.

Nakataas pa rin ang signal no. 3 sa Batanes at hilaga at kanlurang bahagi ng Babuyan Islands kasama ang Calayan Island, at Dalupiri Island na makakaranas ng malakas na hangin na nasa 89 km/h hanggang 117 km/h hanggang 18-oras.

Signal no. 2 naman sa nalalabing bahagi ng Babuyan Islands, hilagang bahagi ng Ilocos Norte kabilang ang Pagudpud, Adams, Bangui, Dumalneg, Burgos, at ang dulong hilagang kanluran ng mainland Cagayan kasama ang Santa Praxedes, Sanchez-Mira, Claveria, Pamplona, at Abulug.

Signal no. 1 sa hilaga at gitnang bahagi ng Cagayan kasama ang Solana, Tuao, Iguig, Amulung, Santo Niño, Piat, Rizal, Lasam, Gattaran, Santa Ana, Gonzaga, Lal-Lo, Santa Teresita, Buguey, Baggao, Alcala, Camalaniugan, Aparri, Allacapan, at Ballesteros; ang Apayao, hilagang bahagi ng Kalinga sa Balbalan, Pinukpuk; hilagang bahagi ng Abra kasama ang Tineg, Lagayan, Lacub, Malibcong, San Juan, Danglas, La Paz, Dolores, Bangued, Lagangilang, Licuan-Baay; gayundin ang nalalabing bahagi ng  Ilocos Norte, at ang extreme northern  ng Ilocos Sur sa Sinait, Cabugao, San Juan, Magsingal.

Ayon pa sa PAGASA, inaasahan na ngayong gabi o bukas ng umaga ay nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility ang Super Typhoon Goring na mananatiling super typhoon hanggang araw ng Biyernes. At sa araw ng Linggo ay inaasahan na nasa Guangdong, China ang bagyong Goring.

Samantala ang isa pang sama ng panahon na binabantayan ng PAGASA ay posibleng pumasok sa PAR bukas ng umaga na tatawaging tropical cyclone Hanna o Haiku.

Lalabas din ito sa araw ng Biyernes at hindi magla-landfall kung kaya’t hindi ito makakaapekto sa bansa at tutuloy sa East China Sea.

Subalit mapapaigting nito ay hanging habagat na magdadala ng malalakas na ulat na may kasamang hangin sa katimugang bahagi ng Luzon at Visayas.

Leave a comment