
Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng pangamba si Senador Francis Tolentino na posibleng madagdagan ang bilang ng mga taong iimbestigahan ng Office of the Ombudsman kaugnay ng maanomalyang laptop deal ng Department of Education (DepEd)..
Sa pulong balitaan, sinabi ni Tolentino na nababahala ito na may mga karagdagang indibiduwal ang idagdag ng Ombudsman na wala sa report na inilabas ng Senate Blue Ribbon Committee na makasuhan maliban pa sa ilang opisyales ng DepEd.
“Ang worry ko diyan, e baka may mga karagdagang indibiduwal pa silang idagdag na wala sa report ng Senate Blue Ribbon Committee. So ang ibig sabihin niyan, it is now beyond our control. Pwede nilang ulitin, pwede nilang i-expand, pwede nilang bawasan. Iyon ang kanilang constitutional mandate. Kung saan papunta ito ay hindi ko po alam,” sabi ni Tolentino.
Lumutang na posibleng makasama sa iimbestigahan at kasuhan ng Ombudsman ang tumayong whistleblower ng nasabing anomalya.
“Although binigyan naming ng legislative immunity pwedeng maka-discourage pero nagpapakita ito na ‘yung pangil ng Ombudsman ay matalim, mabagsik, at uulitin ko sa ngayon sa kanilang mandato sa Saligang Batas. Mayroon lamang akong pangamba na baka hindi na base doon, totally based doon sa Blue Ribbon Committee report na mapasama pa,” ayon pa sa senador.
“Kinakaahan ako dahil nag-assume sila ng jurisdiction ‘yung kanilang ginagawa at gagawing preliminary investigation sang-ayon sa kanilang Constitutional mandate ay maaaring magbunga ng karagdagang indibiduwal na wala sa report ng Blue Ribbon. Pwede nilang dagdagan kahit hindi sang-ayon doon ang Blue Ribbon Committee kung sino pa ang gusto nilang kasuhan,” dagdag pa ni Tolentino.
