
Ni NEILL ANTONIO
Dahil sa patuloy na pananalasa ng malakas na pag-ulan bunsod ng epekto ng hanging habagat ay idineklara ng Malacañang na walang pasok bukas, Setyembre 1, 2023.
Inilabas na Memorandum Circular No. 30 ng Malacañang at nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, walang pasok sa lahat ng antas sa paaralan, pribado at pampublikong eskuwelahan sa buong National Capital Region (NCR).
Gayundin, wala na ring pasok sa lahat ng ahensya ng pamahalaan maliban na lamang ang mga kinakailangan sa panahon ng kalamidad.
Paliwanag ng Malacañang, dahil sa epekto ng Super Typhoon Goring at bagyong Hanna na pinalakas ang hanging habagat ay nagdulot ito ng pagbaha sa Metro Manila.
Gaya na lamang ang nangyari ngayong araw ng Agosto 31, kung saan maraming lugar ang binaha.
Kabilang na rito sa kahabaan ng España Blvd., sa kahabaan ng Taft Avenue sa Maynila na halos gulong ng sasakyan ang lalim ng baha na nagpatirik sa ilang sasakyan.
At sa ilang lugar sa Quezon City partikular sa Araneta Avenue na halos bewang ang lalim ng tubig baha.
“In view of the continues rainfall brought about by the South West Monsoon, and super typhoon Goring and Hanna, work on government offices and classes at all levels in the National Capital Region are hereby suspended on 1 September 2023,” ayon sa MC 30.
“However those agencies whose functions involve the delivery of basic, and health services, preparedness/response to disasters and calamities and or the performance of other vital services shall continue with their operations and render the necessary services,” dagdag pa nito.
Ibinibigay naman ng Malacañang sa mga pribadong kumpanya kung ano ang magiging pasya sa sususpendehin ang pasok ng kanilang mga manggagawa.
