
NI NOEL ABUEL
Pinuri ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang liderato ng Philippine National Police (PNP) sa naging desisyon nito na bawiin ang gun privileges ng dating pulis na si Wilfredo Gonzales, na naging laman ng viral video na nagkasa ng baril sa isang cyclist sa Quezon City.
“Hindi ‘yon katanggap-tanggap sa isang sibilisadong society. Hindi pupwede ‘yung gano’n. Gagamit ka kaagad ng baril. Hindi ‘yon karapat-dapat. Kahit na sabihin mo pantakot lang ‘yon, but still, napakalaki po ng impact no’n sa nakakita na bumunot ka ng baril, kumasa ka pa, kahit sabihin mo na ‘di mo tinutukan,” ani Dela Rosa.
“‘Yung pagbigay sa ’yo ng Permit to Carry Firearms Outside of Residence ng PNP ay ginagamit ‘yon pamproteksyon sa sarili mo, hindi panakot or panggawa ng aggressive actions against anybody. So tama lang ‘yung ginawa ng PNP na tanggalan siya ng lisensya ng baril at saka lahat ng mga permit sa baril na binigay sa kanya ay tinanggal sa kanya,” dagdag nito.
Kaugnay nito ipinarating ni Dela Rosa, dating naging hepe ng PNP, sa kasalukuyang PNP chief Maj. General Benjamin Acorda Jr. na higpitan ang pamumuno sa mga pulis sa buong bansa dahil sa sunud-sunod na ulat na nasasangkot ang mga pulis sa krimen.
“Higpitan niya ang renda sa pamumuno sa PNP and make his commanders accountable for all mistakes of his people. Dapat agad na mananagot ang commanders kapag may failure. Command responsibility,” sabi pa ng senador.
Ipaparating aniya nito kay Acorda ang panawagan sa nakatakdang pag-iimbestiga ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, sa viral incident sa Setyembre 5, 2023.
Sinabi ni Dela Rosa na bibigyan nito ng pagkakataon ang PNP na magsabi kung ano na ang ginawa nito sa nasabing insidente.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Dela Rosa na inimbitahan nito si Wilfredo Gonzales na dumalo sa darating na pagdinig kung saan sa sandali namang hindi ito dumating ay papatawan ito ng contempt at
magpapalabas ng subpoena ang komite laban sa dating pulis at aatasan ang Senate Sgt at Arms ang magsasagawa ng pagdakip dito.
Inimbitahan din ng komite ang biktimang cyclist na dumalo sa pagdinig bagama’t sinabi ni Dela Rosa na ayaw na nitong ipursige ang kaso laban kay Gonzales dahil sa natatakot ito .
“Ipinadalhan natin ‘yung siklista ng imbitasyon sa pagdinig natin, pero may info tayo na ayaw na niya at parang takot, so ine-encourage natin siya. Kaya pinakilos ko ang aking aide to camp at sa comsec para dumating siya,” ani Dela Rosa.
