
Ni NERIO AGUAS
Aabot sa P379.58 milyon infrastructure projects ang sinira ng nagdaang bagyong Goring at ng hanging habagat.
Sa pagtataya ng Department of Public Works and Highways (DPWH), mula alas-12:00 ngayong tanghali ay malaking danyos na sa mga national roads, bridges, at flood-control structures ang pananalasa ng nagdaang bagyo.
Sa pinakahuling ulat mula sa Department of Public Works and Highways-Bureau of Maintenance, sinabi ni DPWH Secretary Manuel M. Bonoan na ang partial cost ng pinsala sa imprastraktura ay mula sa P143.28 milyong pinsala sa mga kalsada, P13.44 milyon sa mga tulay, at P222. 85 milyon para sa mga flood control structures sa Cordillera Administrative Region (CAR), Regions 1 at 2.
May kabuuang 24 na kalsada ang muling binuksan ng DPWH Quick Response Teams na patuloy na nagsisikap sa paglilinis ng kabuuang anim (6) na seksyon ng kalsada sa CAR at Region 1 na nananatiling sarado sa trapiko.
Kabilang dito ang mga sumusunod;
1) Abra-Ilocos Norte Road, San Gregorio, La Paz, Abra dahil sa paglubog ng kalsada
2) Kennon Road, Camp One, Tuba, Benguet bilang precautionary measure;
3) Claveria-Calanasan-Kabugao Road, sections sa Brgy. Namaltugan at Brgy. Ninoy, Calanasan, Apayao bunsod ng pagkahati ng kalsada at collapsed pavement;
4) Dantay Sagada Road, Brgy. Antadao, Sagada, Mt. Province dahil sa nasirang kalsada;
5) Ilocos Norte -Apayao Road, K0523+ 150 – K0530+600 (Intermittent Sections) sa Ilocos Norte dahil sa landslides; at
6) Roxas Bridge, Vigan-San Vicente Road in Ilocos Sur.
Samantala, pinapayuhan din ang mga motorista na iwasan ang dalawang kalsada na isang lane pa lang ang madadaanan ng mga magagaan na sasakyan sa Ilocos Sur at Batangas:
1) Vigan Bridge 1 at 2 along Bantay-Vigan Road sa Brgy. 1, Vigan City, Ilocos Sur, dahil sa nasirang abutment protection at bridge approach; at
2) Nasugbu-Lian-Calatagan Road, Brgy. Putting Kahoy, Lian, Batangas, dahil sa nasirang mga kalsada.
