50% ng manual counters ng BI e-gates sa paliparan papalitan

NI NERIO AGUAS

Nakatakda nang palitan ng Bureau of Immigration (BI) ang halos kalahati ng ginagamit nitong manual counters with electronic gates upang madagdagan ang kapabilidad nito sa operasyon sa mga paliparan sa buong bansa.

Ginawa ni BI Commissioner Norman Tansingco ang pahayag sa kasunod ng hiling na dagdagan ang pondo ng ahensya para sa susunod na taon.

Ayon sa BI, sinusundan lamang nito ang 45-second immigration processing time para sa mga pasahero na kinuha sa Guidelines on Advance Passenger Information na inilabas ng International Air Transport Association (IATA) at ng International Civil Aviation Organization (ICAO).

Ayon kay Tansingco, nakapila ang mga IT programs ng BI upang  mabawasan ang processing time nang hindi nakokompromiso ang national security. 

Ang procurement ng e-gates, aniya, ay kasama na sa approved information systems strategic plan ng BI para sa 2024-2026.

Ang e-gates, ay kahalintulad na ginagamit sa mga advanced countries, na mababawasan ang processing time na mas mababa sa 8 segundo kada pasahero. 

Sa kasalukuyan, tanging 21 e-gates ang nakakalat sa arrival area ng mga pangunahing international airports sa buong bansa, na karamihan ay nakalagay sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Target ng  BI na makabili ng karagdagang e-gates na nagkakahalaga ng P1.9B simula  2024, at inaasahang sa taong 2026 kabuuang 43 e-gates ang nakalagay na sa buong bansa.

“E-gates is now the standard in most countries. We want things faster and more efficient, to better improve the experience of our travelers,” sabi ni Tansingco.

Samantala, nakahanda na rin ng BI sa inaasahang pagdagsa at pagdating ng mga lokal at dayuhang turista sa panahon ng Christmas season.

“Ber months are here again, and because of this we expect a higher number of arriving and departing passengers,” aniya.

Ibinahagi ni Tansingco na bukod sa pag-deploy ng daan-daang immigration officers, na may pinakahuling batch ng mga graduates na umaabot sa 108, ang BI ay may Rapid Response Procedure, na isinasagawa sa lahat ng international ports of entry and exits sa peak hours o critical periods upang matugunan ang biglaang pagdagsa ng mga biyahero sa pamamagitan ng pag-augment ng bilang ng mga opisyal na nakatalaga sa isang partikular na terminal sa pamamagitan ng mobilisasyon ng iba pang IOs na nakatalaga sa ibang tanggapan.

Nag-deploy na rin ng mga mobile counters para iproseso ang mga pasahero sa kabila ng limitadong immigration space sa mga paliparan, kumpara sa inilalaan na immigration space sa ibang bansa.

Inihayag din ng BI na sa loob ng taon, balak nitong buksan ang green lanes sa departure area, na siyang magbibigay ng serbisyo sa mga airline crew, frequent travelers, at overseas Filipino workers (OFWs).

Leave a comment