
NI MJ SULLIVAN
Sa kabila ng tuluyang nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Hanna ay asahan pa rin ang malalakas na pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa inilabas na weather advisory ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang mata ng bagyong Hanna sa layong 360 kms hilagang-kanluran ng Itbayat, Batanes.
Taglay pa rin nito ang lakas na hangin na nasa 120 km/h at pagbugso na nasa 165 km/h at kumikilos ng hilaga hilagang-kanluran sa bilis na 15 km/h at kumikilos patungong Taiwan Strait bago mag-landfall sa Guangdong, China bukas ng umaga o hapon.
Habang lumalayo ang bagyong Hanna ay hinihigop nito ang hanging habagat na nagreresulta sa pagkakaroon ng malakas na pag-ulan at hangin sa katimugang bahagi ng Luzon sa loob ng tatlong araw.
Bukas ng umaga, makakaranas ng pag-ulan ang Batanes Babuyan Islands, Ilocos Region, Abra, Benguet, Nueva Vizcaya, katimugang bahagi ng Aurora, Zambales, Bataan, Bulacan, Metro Manila, Occidental Mindoro, Romblon, Marinduque, Kalayaan Islands, Camarines Provinces, at malaking bahagi ng CALABARZON.
Sa araw ng Miyerkules, uulanin pa rin ang Batanes, Ilocos Norte, ang western portion ng Pangasinan, at Kalayaan Islands.
Bunsod ng epekto ng habagat ay may gale warning na inilabas ang PAGASA sa seaboards ng Northern Luzon, sa western Luzon, at katimugang bahagi ng seaboards ng Luzon at western seaboards ng Visayas.
Sa kasalukuyan ay wala namang nakikitang panibagong sama ng panahon ang PAGASA.
