
Ni NERIO AGUAS
Makakaranas na ngayon ang mga manlalakbay ng mas mahusay at mas ligtas na imprastraktura ng kalsada makaraang makumpleto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga pagpapabuti sa kahabaan ng Manila North Road (MNR) sa Angeles City, Pampanga.
Sa kanyang ulat kay DPWH Secretary Manuel M. Bonoan, sinabi ni DPWH Regional Office 3 Director Roseller A. Tolentino na ang preventive maintenance projects na may halagang P202.46 milyon sa kahabaan ng MNR ay ipinatupad ng DPWH Pampanga Third District Engineering Office (DEO) sa dalawang (2) mga segments.
Ang mga natapos na proyekto ay ang asphalt overlaying sa 1.85-kilometro, anim (6) na lane section ng MNR mula sa Barangay Sto. Domingo hanggang Barangay Sto. Cristo para sa unang segment at asphalt resurfacing sa 1.35-kilometro, apat (4) na lane na bahagi mula sa Barangay Sto. Domingo hanggang Barangay Sto. Rosario para sa ikalawang segment.
Kasama rin sa proyekto ang paglalagay ng thermoplastic pavement marking sa ibabaw ng kalsada upang mas magabayan ang mga motorista sa gabi at sa mga oras ng masamang panahon kapag mababa ang visibility sa kalsada.
Upang higit na mapabuti ang kaligtasan sa kalsada, naglagay rin ang DPWH ng mga solar-power studs na magbibigay liwanag sa gabi.
Sinabi ni Tolentino na ang pagkumpleto ng proyektong ito ay nangangahulugan ng isang mahalagang hakbang sa pangako ng DPWH sa kaligtasan at kaginhawahan ng publiko.
