P2.385B pondo ng OVP pasado na sa komite ng Senado

NI NOEL ABUEL

Inaprubahan na ngayong araw sa komite sa Senado ang panukalang P2.385 bilyong pondo ng Office of the Vice President.

Ilang munuto lamang ang itinagal bago inaprubahan ng Senate Committee on Finance sa pamumuno ni Senador Sonny Angara ang panukalang 2024 budget ng OVP.

Personal na dumalo sa pagdinig si Vice President Sara Duterte sa pagtalakay sa pondo nito sa susunod na taon na tumugon sa mga katanungan ng mga senador.

Naging mabilis ang pag-apruba sa budget ng OVP matapos na maghain ng manipestasyon sina Senador Ramon Bong Revilla Jr, at Senador Jinggoy Estrada na tapusin na ang pagtalakay ng komite sa budget ng OVP.

Samantala, kinuwestiyon naman ni Senador Imee Marcos ang 433 security personnel ni Duterte mula sa bagong buong Vice President Security and Protection Group noong Huyo 2022.

Giit ni Marcos, maraming kumukuwestiyong netizens sa maraming bilang ng security personnel ni Duterte kung kaya’t dapat na ipaliwanag ito ng OVP.

Tugon naman ni OVP Asec. Lemuel Ortonio , ang security personnel ni Duterte ay upang bigyan ng seguridad ang ikalawang pinakamataas na lider ng bansa  kasama na sa mga satellite offices nito sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

 Sa kabilang banda kinuwestiyon naman ni Senador Risa Hontiveros at Senate Minority leader Koko Pimentel ang confidential fund ng OVP na P500M.

Sa panig naman ni Senador Sherwin Gatchalian, kinuwestiyon nito ang “Libreng Sakay Program” ng OVP gayung mayroong nang point-to-point program ang Department of Transportation (DOTr).

“How is this different and how is it being synchronized with the DOTr’s point-to-point program. I just want to understand how these two programs are working together,” tanong ng senador.

Ayon naman kay Usex. Zuleika Lopez, ang OVP ay mayroong memorandum of agreement sa DOTr para sa Libreng Sakay program na suportado ng OVP.

Leave a comment