P2 bilyon tulong sa apektadong rice retailers ng price ceiling — Speaker Romualdez

Ni NOEL ABUEL

Inatasan ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang House Committee on Appropriations na maghanap ng mga paraan para maglaan ng P2 bilyon para tulungan ang mga retailers na apektado ng rice price ceiling na ipinataw ng Malacañang.

Binigyan-diin ni Romualdez ang kahalagahan ng direktiba na ito sa pamamagitan ng personal na pag-uutos kay Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co, ang chairman ng House Committee on Appropriations, na agad na makipag-ugnayan sa Department of Budget and Management (DBM) para sa mabilis na alokasyon ng P2 bilyon para suportahan ang mga rice retailers.

“Our goal is to ensure that we can extend assistance to rice retailers who may be affected by this rice price ceiling, as it is a directive from our President aimed at protecting consumers,” ayon sa lider ng Kamara.

Sa kanyang bahagi, sinabi ni Co na hindi na ito nag-aksaya ng oras at kaagad na nakipag-ugnayan kay DBM Sec. Amenah Pangandaman upang mabilis na tuklasin ang mga paraan para sa paglalaan ng tinukoy na halaga.

“We will promptly engage with the DBM to expedite the release of the P2 billion funds for our rice retailers,” pagtitiyak ni Co.

Sinabi pa ni Romualdez na binibigyan-diin ng inisyatiba na ito ang hindi natitinag na pangako ng Kongreso sa pagpapatibay at pagpapalakas ng katatagan ng supply chain ng pagkain.

Nauna nang ibinunyag ni Romualdez ang kanyang mga plano na makipag-ugnayan din sa mga pinuno ng mga rice retailers sa buong bansa sa huling bahagi ng linggong ito upang marinig ang kanilang mga alalahanin tungkol sa mga potensyal na pagkalugi sa pananalapi na nagmumula sa rice price ceiling.

“The government is not insensitive, so we want to listen to their concerns, and we will try to find a solution to address their fears of incurring losses,” aniya.

“We are aware that they have high costs from traders, but our priority is the public’s difficulty in buying rice,” dagdag pa nito.

Magugunitang naglabas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ng Executive Order No. 39, na nagtatakda ng presyo sa P41.00 kada kilo para sa regular milled rice at P45.00 para sa well-milled rice simula Setyembre 5.

Ang aksyon na ito ay naudyukan ng government intelligence na nagpapahiwatig na may ilang abusado at mapagsamantalang mangangalakal na nagpaplano na itaas ang presyo ng bigas hanggang P70.00 kada kilo.

Leave a comment