NTC, DICT, PNP Anti-Cybercrime Group, at NBI kinalampag sa text scams

NI NOEL ABUEL

Pinagpapaliwanag ni Senador Grace Poe ang pamahalaan at ang mga telecommunication companies kung bakit patuloy pa rin ang pagpapadala ng text scams sa kabila ng nagtapos na ang SIM registration noong Hulyo

“Bakit patuloy pa rin ang mga text spams at scams kahit tapos na ang SIM Registration deadline? Hindi ba dapat na-deactivate na ang mga SIMs na gamit sa mga ganitong modus? Kung rehistrado naman sila, hindi ba dapat nate-trace na sila ng gobyerno o di kaya ay automatic na blocked sa algorithms ng mga telco,?” tanong ni Poe, chairman ng Senate Committee on Public Services, at ng Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurships.

Tinukoy pa nito ang paggamit ng pre-registered SIMs ng mga illegal Philippine offshore gaming operators (POGOs) na nabawi sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa POGO hubs. 

“We crafted a law to address this but there seems to be inadequacies in its implementation. If the scammers have become creative, then we should be more creative with our response…We must go above and beyond if we are to combat this plague in our telecom system,” giit pa ng senador.

“Gumawa tayo ng batas pero mukhang nagkukulang sa implementasyon. We want to know from our regulators – sa National Telecommunications Commission, DICT, PNP Anti-Cybercrime Group, NBI – ano ang plano para dito, at matigil ang mga ito?” pag-uusisa pa nito.

Pahayag pa ni Poe na sa batas, obligasyon ng Globe, SMART, at DITO na maglatag ng user-friendly reporting mechanisms para sa fraudulent calls and texts.

Aniya, napakaraming fake na naglipana sa bansa tulad ng fake jobs o trabahong may napakalaking suweldo, ‘yung nanalo ka daw sa isang raffle na di mo naman sinalihan, links sa online betting sites na may nakakaengganyong mga papremyo, meron ding mga nagpapa-loan, mga nagpapanggap na texts at tawag mula sa bangko, tulad na lamang sa LandBank at maging fake love.

“SIMs have also been used by licensed POGOs to perpetrate text spams and love scams. Andiyan ang raid sa Xinchuang Network noong nakaraang Hunyo sa Las Piñas kung saan halos isang daang libong SIMs ang nakumpiska, kasama na ang text blasters. Narekober din mula sa mga basurahan ng SA Rivendell Gaming sa Pasay ang mga pre-registered SIMs na may kasamang cellphones at script pa for love scams,” sabi pa ni Poe.

Sinabi naman ni Senador Win Gatchalian sa National Telecommunications Commission (NTC) na magsagawa ng post validation sa mga registered Subscriber Identity Module (SIM) cards upang masiguro na tanging tunay na tao ang gagamit nito.

 “We cannot allow monkeys, horses to be registered. We have to do something or else this will happen over and over again,” ani Gatchalian.

Leave a comment