
Ni NOEL ABUEL
Suportado ni Senador Christopher “Bong” Go ang mungkahi ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri na magtatag ng endowment fund para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na may sakit na cancer.
Ayon kay Go, chairperson ng Senate Committee on Health, ang inisyatibong ito ay bilang paggunita sa yumaong Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Ma. Susana “Toots” Ople, na isang matatag na tagapagtaguyod para sa kapakanan ng mga OFWs at pumanaw kamakailan habang nakikipaglaban sa breast cancer.
Samantala, suportado ni Go ang Cancer Assistance Fund (CAF) na kumakatawan sa pangako na nagtatayo sa kanyang mga nakaraang pagsisikap upang palakasin ang pondo.
Sa budget deliberations para sa 2023 General Appropriations Act (GAA), naging instrumento si Go sa pag-secure ng P500 milyong alokasyon para sa CAF sa ilalim ng Department of Health (DOH).
Sa panukalang badyet para sa 2023 ay walang alokasyon para sa pondo para sa Cancer assistance. Gayunpaman, nagawang magtulungan ng Senado at Kamara para magdagdagan ng malaking halaga ang programa.
“I am always one with you in the fight against this disease. In fact, during the budget deliberations last year, I pushed for an additional budget for the cancer assistance fund to subsidize the cost of cancer treatment, including the needed diagnostics and laboratory tests,” pahayag nito.
Sa 2024, nais ni Go na doblehin ang kasalukuyang alokasyon upang mas mapalakas pa ang pondo at maipaabot ang tulong sa mas maraming pasyenteng may kanser.
Ito ay alinsunod sa National Integrated Cancer Control Act (NICCA), sa ilalim ng Republic Act No. 11215, na kinabibilangan ng CAF bilang isang mahalagang bahagi.
Tinitiyak ng Section 20 ng NICCA na ang mga cancer patients ay may access sa libreng tulong pinansyal para sa iba’t ibang mga pangangailangan, kabilang ang mga pagsusuri sa screening, mga espesyal na paggamot, pagsusuri, palliative care, at mga gamot.
“Prayoridad ko po bilang chairman ng Committee on Health ito pong establishing regional specialty center. Maglalagay po ng mga specialty center sa mga DOH regional hospital sa buong Pilipinas,” sabi ni Go.
“It’s a multiyear plan po. Halimbawa, kung may problema sa heart, kidney, lung, neonatal, mental, ito pong mga ortho sa mga may karamdaman sa buto, cancer. Ilalagay na po sa lahat ng DOH regional hospital sa buong Pilipinas para ilapit po natin ang serbisyo medikal sa ating mga kababayan,” paliwanag pa nito.
