Mapang-abusong lending companies, iimbestigahan ng Senado

Ni NOEL ABUEL

Pinaiimbestigahan ni Senador Idol Raffy Tulfo ang napaulat na mapang-abusong paraan ng paniningil ng mga lending companies.

Sa inihain nitong Senate Resolution (SR) No. 746, ikinalungkot ni Tulfo na may ilang lending companies na nagpo-post ng mapanirang content sa social media buy and sell groups, nangongolekta ng mga bayad mula sa mga random na contact ng kanilang sinisingil, at nagpapadala ng mga death threats.

Aniya, nakasaad ss Section 1 ng Securities and Exchange Commission (SEC) Memorandum Circular No. 18, series of 2019, kaugnay sa Section 4.4 ng Implementing Rules and Regulations ng Republic Act No. 11765 o “Financial Products and Services Consumer Protection Act” ay pinagbabawalan ang financial service providers na magbanta o gumawa ng anumang aksyon laban sa kanilang mga kliyente.

Ipinagbabawal din nito ang pakikipag-ugnayan sa mga tao sa listahan ng contact ng borrower maliban sa mga pinangalanang guarantor o co-maker.

Sa kabila ng mga nabanggit na batas at regulasyon, ibinunyag ni Tulfo na mayroon pa ring nakakaalarmang bilang ng mga lending company na gumamit ng mapang-abusong aksyon sa pangongolekta ng utang na ikasisira ng mga consumer.

Dagdag pa ni Tulfo, ang mga lending company na ito ay nilalabag ang Republic Act No. 10173 o ang “Data Privacy Act of 2012” kung saan karamihan sa mga kumpanya ay nahaharap sa maraming reklamo sa National Privacy Commission.

Binigyangl-diin ni Tulfo na kailangang magkaroon ng imbestigasyon para malutas ang tumataas na bilang ng mga reklamo laban sa mga abusadong lending company.

Leave a comment