Solon sa public officials: Isumite ang paggamit ng confidential funds

Senador Chiz Escudero

Ni NOEL ABUEL

Dapat na magkaroon ng higit na pananagutan ang mga opisyal ng gobyerno na humihingi ng confidential at intelligence funds upang matiyak na ang mga pampublikong pondo ay ginagastos nang matalino at tama.

Ito ang sinabi ni Senador Chiz Escudero kung saan pinaalalahanan nito ang mga cabinet members at pinuno ng mga ahensya ng pamahalaan sa pagsasabing dapat na ilutang ang “physical and financial plan” kung paano nito gagastusin ang pondo mula sa confidential funds.

Ginawa ng Bicolano senator ang pahayag habang tinatalakay ng finance panel ang budget allocation ng Department of Education (DepEd) na kinabibilangan ng P150-million confidential fund request ng departamento.

“Since it is the discretion of Congress, as I heard the Madam Secretary and Vice President say, to grant this or not, we will grant it for as long as we see the physical and financial plan broken down according to the JMC without violating the confidentiality that you need in order to perform your job,” paliwanag ni Escudero.

Ang tinutukoy ng senador ay ang Joint Memorandum Circular (JMC) 2015-01 na inisyu ng Department of Budget and Management, Commission on Audit, Department of the Interior and Local Government, Department of National Defense, at Governance Commission for the GOCCs (GCG) noong Enero 8, 2015 na nagtakda ng mga patnubay sa karapatan, pagpapalabas, paggamit, pag-uulat at pag-audit ng mga confidential and/or intelligence funds.

Ayon sa JMC, ang confidential fund ay tumutukoy sa lump-sum na halagang ibinibigay tulad nito sa General Appropriations Act para sa National Government Agencies, sa mga ordinansa sa paglalaan para sa mga local government units, at sa corporate operating budgets o COB para sa mga korporasyong pag-aari at kontrolado ng pamahalaan, para sa kanilang mga confidential expenses.

Habang ang intelligence expenses, ay tumutukoy sa mga aktibidad sa pangangalap ng impormasyon sa paniktik ng mga uniformed at military personnel ng na may direktang epekto sa pambansang seguridad.

“In short, confidential funds may be lodged in civilian agencies, intelligence funds cannot be lodged in civilian agencies. Intelligence funds only belong to military or uniformed agencies,” paglilinaw ni Escudero.

“May listahan naman sa JMC like surveillance, transportation, etc. It’s a matter of putting amounts to each that you can legally spend on without specifying, we are not violating any of the confidentiality rules,” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng Section 4 (General Guidelines) ng JMC 2015-01, ang lahat ng alokasyon ng CF at/o IF ay kinakailangang suportahan ng pisikal at pinansyal na plano, na nagsasaad ng iminungkahing halagang inilaan para sa bawat programa, aktibidad, at proyekto, kung saan ang mga pagbabayad ay nauugnay sa CE at IE ay dapat ibabase.

Leave a comment