American sex offender naharang sa NAIA

Ni NERIO AGUAS

Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang US national na registered sex offender (RSO) bago pa makapasok ng bansa.

Kinilala ang nasabing dayuhan na si Gabriel Rodriguez, 34-anyos, na hindi na nagawa pang makalusot sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 at agad na ibinalik sa pinanggalingan nitong bansa.

Nabatid na dumating ang nasabing dayuhan sakay ng All Nippon Airways flight mula Haneda at nang dumaan sa immigration counter ay nakitang isa itong RSO.

Sa record, si Rodriguez ay excluded sa ilalim nc Section 29(a) 3 ng Philippine Immigration Act of 1940, na nagsasaad na ang mga taong nahatulan ng isang krimen na kinasasangkutan ng moral turpitude ay pipigilang makapasok sa Pilipinas.

Ipinahayag ng mga rekord na si Rodriguez ay nahatulan noong 2019 sa US para sa paglabag sa batas na pakikipagtalik sa isang menor de edad.

“Registered sex offenders pose as a threat to our people. Those who preyed on children have no place in the Philippines,” ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco.

Sinasabing dahil sa exclusion, ang pangalan ni Rodriguez ay naisama na sa blacklist ng BI, na naging dahilan upang tuluyang hindi na ito makapasok sa bansa.

Leave a comment