Bucor hindi pa rin “drug free” – Gen. Catapang

NI NOEL ABUEL

Inamin ni Bureau of Corrections (Bucor) Director General Gregorio Catapang Jr. na hindi pa rin nawawala ang operasyon ng illegal na droga sa loob ng piitan.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights, tinanong ni Senador Francis Tolentino si Catapang kung may nangyayari pa ring nakakapasok ang illegal na droga sa loob ng Bucor kung saan inamin ng huli na meron pa rin.

Sinabi ni Catapang na hindi pa rin ‘drug free’ ang Bucor  kung saan patunay nito na may nakumpiskang P2M halaga ng shabu sa loob ng Bucor kung kaya’t nagpapatuloy pa rin ang mga tauhan nito na halughugin ang mga illegal na droga.

“Masasabi ko po na totoo po,” sabi ni Catapang.  

Dinagdag pa nito na may iba’t ibang paraan ang ginagamit ng para makapasok ang illegal na droga sa loob ng Bucor tulad na lamang ng paggamit ng condom na inilalagay ang shabu at itatago sa maselang bahagi ng katawan ng kamag-anak o kapamilyang babae.

Gayundin, pinakahuling natuklasan ng Bucor ang paggamit ng kalapati ng ilang inmate para makapasok ang illegal na droga sa piiitan.

“Pinakahuli ay ‘yung mga bisitang bata may dalang itlog ng kalapati tapos kapag napisa, palalakihin at tuturuan na lumipad sa paligid ng Bucor. At pagdating ng kanilang bisita ibibigay ang kalapati at pababalikin sa Bucor na may dalang illegal na droga,” sabi ni Catapang.

Idinagdag pa nito na may utos si Department of Justice (DOJ) Sec. Jesus Crispin Remulla para hanapin ang mga itinatagong illegal na bagay ng mga inmate sa buong Bucor.

Leave a comment