
NI MJ SULLIVAN
Makakaranas ng mga pag-ulan at Batanes at Babuyan Islands dahil sa epekto ng hanging habagat.
Ito ang inilabas na weather forecast ng Philippine Atmospheric Geophysical Services Administration (PAGASA) kung saan walang nakikitang sama ng panahon sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at tanging habagat na lamang ang nakakaapekto sa ilang bahagi ng bansa.
Partikular na apektado ng habagat ang katimugang bahagi ng Northern at Central Luzon na makakaranas ng malakas na pag-ulan.
Nabatid na ang Batanes at Babuyan Islands ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat.
Samantala ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ay makakaranas din ng maulap na papawirin at kalat-kalat na pag-ulan dahil sa epekto ng habagat at localized thunderstorm.
Pinapayuhan ng PAGASA ang mga nakatira sa mabababang lugar na mag-ingat sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa malakas na pag-ulan.
