
Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng pagkabahala at pagkadismaya si House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon party list Rep. Bernadette Herrera sa kawalan ng kakayahan ng Department of Health (DOH) na matiyak ang partisipasyon ng mga pribadong sektor sa mga kritikal na hakbangin sa pangangalagang pangkalusugan dahil sa patuloy na isyu ng pagkaantala ng pagbabayad sa mga pribadong ospital at doktor.
“One of the reasons why we’re encountering difficulties in partnering with private hospitals is our inability to make timely payments,” ani Herrera nabitinuturo na ang gobyerno ay may utang pa sa mga pribadong ospital ng humigit-kumulang P2.2 bilyon sa mga allowances na naipon sa panahon ng pandemya.
“It will be very challenging to convince the private sector to participate if we cannot meet our financial commitments on time,” giit pa ng mambabatas.
Ang mga pahayag ni Herrera ay tugon sa mga isiniwalat ni Health Secretary Teodoro “Ted” Herbosa sa pagdinig ng budget noong Miyerkules sa Kamara.
Inamin ni Herbosa na nahihirapan ang DOH sa paghimok sa mga pribadong ospital na makibahagi sa programang Medical Assistance to Indigent Patient (MAIP).
Ang MAIP program, na pinamamahalaan ng DOH, ay naglalayong magbigay ng suportang pinansyal sa mga mahihirap at mahihirap na pasyente na naghahanap ng medical examinations, konsultasyon, paggamot, at rehabilitasyon, kabilang ang mga na-admit sa gobyerno at pribadong ospital.
“Private hospitals don’t want to sign a MOA (memorandum of agreement with the DOH), especially in areas where there’s no public hospital,” pagbubunyag pa ni Herbosa.
“Some of [these hospitals] don’t want to accept letter of guarantee. There are also physicians who do not want to accept letter of guarantee,” aniya pa.
Itinaas ni Herrera ang mga alalahaning ito sa isang interpellation session kasama ang DOH chief, partikular na nakatuon sa disbursement rate ng MAIP program noong 2022, na nasa 63.8 porsiyento lamang.
Ang disbursement rate na ito ay isinasalin sa hindi nagamit na mga pondo na nagkakahalaga ng malaking P9.4 bilyon.
“Kami po dito sa Kongreso, malungkot po kami du’n. Pwede po namin kayong tulungan sa dami ng hospital na nangangailangan, napakadali po n’yan kung kami ang tatanungin ninyo kung saan ibababa ang pondo,” sabi ni Herrera kay Herbosa.
Sa kanyang interpelasyon, binigyan-diin din ni Herrera ang kahalagahan ng pagtiyak na ang lahat ng mga ospital ng gobyerno ay may sapat na supply ng mga gamot, lalo na kung may available na off-budget na pondo na inilaan para sa layuning ito.
“In the Drugs and Medicines Revolving Fund, there is a balance of P5 billion. Can this fund be accessed to ensure a sufficient stock of medicines for our patients and constituents, considering the substantial balance?,” pag-uusisa pa ni Herrera.
Hiniling ng mambabatas sa DOH na magbigay ng karagdagang impormasyon hinggil sa revolving fund at magbigay ng listahan ng mga ospital na hindi nakagamit ng nasabing pondo.
Samantala sa naturang budget hearing, matagumpay na nakuha ni Herrera ang pangako ng matataas na opisyal ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na tingnan at tugunan ang maraming reklamo mula sa mga midwifes hinggil sa hindi pagtanggap ng kanilang professional fees.
Inilabas ni Herrera ang kaso ng mga midwife, na nagbibigay ng mahahalagang serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa mga komunidad sa buong bansa ngunit nahihirapan sa pagtanggap ng kanilang nararapat na kabayaran mula sa PhilHealth.
Nangako naman ang Pangulo at CEO ng PhilHealth na si Emmanuel Ledesma Jr. at Executive Vice President at COO na si Eli Dino Santos na agad na magtakda ng isang pulong sa mga apektadong midwifes upang tugunan ang kanilang mga partikular na alalahanin at mga hinaing.
