
Ni NOEL ABUEL
Suportado ni Senador Christopher “Bong” Go, ang inilunsad na “Philippine Plan of Action for Nutrition (PPAN) 2023 – 2028,” at inilarawan ito bilang isang mahalagang pagsulong sa patuloy na labanan ng bansa laban sa malnutrisyon.
Ang PPAN, na pinangunahan ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa at Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum, Jr., ay opisyal na inihayag noong Setyembre 4.
“Ang paglulunsad ng PPAN 2023-2028 ay patunay sa ating kolektibong hangarin na itaas ang kalidad ng buhay ng ating mga kababayan, lalo na ang mga bata,” sabi ni Go.
Nais ng senador na ipahiwatig na ang inisyatiba na ito ay dapat buuin sa matibay na pundasyong inilatag ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtugon sa gutom at malnutrisyon habang nilalampasan ang masamang epekto ng pandemya.
“Naging prayoridad ng administrasyon ni dating Pangulong Duterte noon ang kalusugan ng mga Pilipino. Programs like the First 1,000 Days were instrumental in addressing malnutrition during the most crucial stages of a child’s life. This new plan is a continuation of that legacy, and I am proud to support it,” ani Go.
Sa panig naman ni Herbosa, na chairman ng National Nutrition Council (NNC) Governing Board, ang kahalagahan ng nutrisyon sa unang bahagi ng buhay.
“Nutrition is most critical in the first 1,000 days of life— from day one of pregnancy and up to the second year of birth of a child. If left neglected, poor nutrition results in child stunting, which is irreversible, and more importantly, poor brain development,” ayon pa kay Herbosa.
Sa ilalim ng administrasyon ng Duterte, ang gobyerno ay nagpatupad ng ilang mga batas at naglunsad ng iba’t ibang mga programa na naglalayong labanan ang malnutrisyon.
Kabilang sa mga ito ang School-Based Feeding Program na nagbibigay ng masustansiyang pagkain sa mga bata na hindi sapat ang nutrisyon sa pampublikong paaralan, at Republic Act No. 11148 o ang “First 1,000 Days”, na nakatuon sa kalusugan ng ina at bata sa panahon ng pinakamaagang araw ng buhay.
“Malaki ang ambag ng ating School-Based Feeding Program sa ating laban kontra malnutrisyon. Hindi lamang ito nagbigay ng kinakailangang nutrients sa ating mga anak, kundi itinaas din nito ang kanilang performance sa paaralan,” ayon kay Go.
“Samantala, ang ‘First 1,000 Days’ law ay naging pundasyon natin sa pagtiyak na ang ating mga ina at kanilang mga bagong silang ay nakakakuha ng tamang nutrisyon sa simula pa lamang,” dagdag nito.
