Sen. Angara nag-donate ng 10 motorcycles sa MMDA

Ni NOEL ABUEL

Nagbigay ng 10 motorsiklo si Senador Sonny Angara sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang madagdagan ang kanilang fleet at bilang suporta sa malapit nang buksan na Motorcycle Riding Academy ng ahensya.

Personal na tinanggap ni MMDA chairman na si Don Artes, ang donasyon ni Angara na ginanap sa bagong binuksang Command Command Center (CCC) ng ahensiya sa Pasig City.

“Napakagandang proyekto ng MMDA ang pagbubukas ng Motorcycle Riding Academy para makapagbigay ng libreng training sa ating mga rider tungkol sa tama’t ligtas na pagmomotorsiklo,” sabi ni Angara.

“Napakahalaga ito dahil nakita natin halos araw-araw mayroong aksidente dahil sa traffic so very timely itong inisyatibo ng MMDA. Hopefully, over time makita natin na bumaba ang numbers ng mga insidenteng ganito. Hindi ito dahil sa kulang sa disiplina ang Pinoy kundi kulang sa kaalaman at ‘yun ang pakay nitong programa– ipakalat ang kaalalaman sa basic courtesies and road rules,” sabi ng senador.

Sa kanyang maikling talumpati sa turnover ceremony, ipinahayag ni Angara ang kanyang optimismo na ang pagsasanay ng mga riders upang maging mas ligtas, mas responsable at edukado sa mga patakaran sa trapiko ay makatutulong upang mapababa ang nakababahala na datos tungkol sa mga aksidente sa kalsada sa Pilipinas.

Sa pinakahuling ulat sa kaligtasan ng kalsada, ang World Health Organization ay niraranggo ang Pilipinas na ika-11 sa 175 bansa ang nakapagtala ng malaking bilang ng mga pagkamatay ng trapiko sa kalsada.

Ang MMDA mismo ang nag-ulat na halos 40 porsiyento ng mga nasawi sa road crash sa bansa ay kinabibilangan ng mga motorcycle riders.

“Kapag tinitignan naming ang datos na ito ay lalong napapanatag ang aming loob na tama ang aming desisyon para tulungan ang MMDA,” sabi ni Angara.

Mula nang mamuno sa Senate Committee on Finance noong 2019, patuloy na sinusuportahan ni Angara ang mga operasyon at pondo ng MMDA.

Noong 2020, sinimulan ni Angara ang pagbibigay ng P176.4 milyon sa MMDA para sa pagbili ng karagdagang 50-seater na air-conditioned na ferry boat at para sa preventive maintenance ng kasalukuyang fleet nito at para sa pagpapabuti ng accessibility sa mga ferry station at intermodal transfers.

Para sa 2021, isinusulong ni Angara ang pagkakaloob ng P300 milyon sa pondo ng MMDA para sa pagbili ng CCTV cameras sa paligid ng Metro Manila.

Noong nakaraang taon, ang P672 milyon ay ibinigay sa MMDA para sa pag-install ng mga garbage traps sa Metro Manila Waterways at para sa pagtatayo ng CCC nito.

Karagdagang P100 milyon din ang isinama sa budget ng MMDA sa taong ito para sa pagpapalawak ng CCC.

“Kaya tuluy-tuloy ang ating tulong sa MMDA bilang chairman ng Committee on Finance dahil kinikilala natin ang dagdag na ginhawa at serbisyo na binibigay ng inyong ahensya dito sa Metro Manila,” ayon pa kay Angara.

Leave a comment