
Ni NOEL ABUEL
Siniguro ni Senate President Juan Miguel Zubiri na mabibigyan ng dagdag na confidential and intelligence funds (CIFs) ang ang Philippine Coast Guard (PCG) at ang Philippine Navy (PN) sa 2024 national budget
Ayon kay Zubiri, bilang tagapagtanggol ng soberenya ng Pilipinas sa West Philippine Sea, nararapat lamang na bigyan ng malaking pondo at tulong mula sa pamahalaan ang PCG at PN para sa pagpapatrulya at pagtatanggol sa teritoryo ng Pilipinas mula sa illegal na pag-okupa ng China sa WPS.
“Dahil sa nangyayari sa West Philippine Sea, gusto po namin dagdagan ang budget ng ating mga sundalo at Navy personnel, lalo na sa Navy at coast guard, to strengthen our external defense capabilities para magkaroon po tayo ng credible defensive posture,” sabi ni Zubiri.
Binanggit ni Zubiri ang desisyon ng Senado na buhayin ang Select Oversight Committee on CIFs (SOCCIF), na susuriin ang paggamit ng mga CIF ng humigit-kumulang 30 ahensya at tutukuyin kung may pangangailangang i-realign ang ilan sa mga pondo para mas magamit.
Ikinalungkot ng pinuno ng Senado na ang mga CIF ng PCG at PN, na inatasang protektahan ang pambansang teritoryo sa WPS mula sa mga pananalakay ng China, ay may maliit na P10 milyon at P39.74 milyon, ayon sa pagkakabanggit.
“Imagine, ‘yung Coast Guard ay P10 million lang ‘yung confidential fund nila. ‘Yung ibang ahensya ng gobyerno, hundreds of millions. So, I would suggest na pwede nating ilipat doon sa mga kailangan talaga ng intelligence funds at madagdgan ang intelligence funds to protect us both internally and externally,” paliwanag ni Zubiri.
Tiniyak din nito na kapag natanggap na ng Senado ang 2024 national budget mula sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ay isusulong ng mga ito ang realignments o pagbabago sa CIFs para mapalakas ang intelligence capabilities ng PCG at PN.
“Iyan po ang pangako namin sa inyo, may maiiba pagdating po sa intelligence funds at confidential funds. And I think it will be reflected in the outcome of the Senate hearings of the budget,” sabi ng lider ng Senado.
Ang intel funds ng PCG ay nanatili sa P10 milyon mula noong 2022, kahit na ang iminungkahing kabuuang alokasyon ng ahensya sa 2024 National Expenditure Program (NEP) ay tumaas sa P24.01 bilyon mula sa P21.92 bilyon noong 2023.
At sa pagbuhay sa SOCCIF para pag-aralan ang CIFs ng 30 government agencies, sinabi ni Zubiri na idedetermina ng mga mambabatas kung ang kanilang pondo ay nagamit ng Tama sa mga nakalipas na taon.
“Kung sa tingin po natin ay okay naman po ang paghingi nila ng mga budget allocations na ito, then we will approve it. Pero kung hindi at sa tingin namin may pagkukulang, eh di either dagdagan namin or tanggalin naman kung may problema,” sabi ni Zubiri.
Idinagdag ng pangulo ng Senado na kung nalaman ng komite na ang paggamit ng CIFs ay maaaring ilaan sa regular na badyet ng isang ahensya sa isang line item, irerekomenda nito ang paglilipat sa panahon ng deliberasyon ng badyet.
“Magbibigay po tayo ng rekomendasyon sa plenaryo. We have to vote in the committee kung ito bang ahensya na ito dapat bang tapyasan o tanggalin o liitan ang kanilang intelligence funds,” paliwanag ni Zubiri.
