South Korean arestado sa pagkukunwang Pinoy

Ni NERIO AGUAS

Hindi umubra ang pagkukunwari ng isang Korean national sa mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na nagpakilalang Pinoy at nadakip sa probinsya ng Davao.

Nakilala ang nasabing dayuhan na si Kim Jinkoon, 58-anyos, isang South Korean, na nadakip ng mga tauhan ni BI Intelligence Deputy Chief for Mindanao Melody Penelope Gonzales.

Nabatid na noong Setyembre 5 nang magsagawa ng operasyon ang BI sa pakikipagtulungan sa Task Force Davao, Philippine National Police Maa Police Station, at government intelligence units sa Sitio Mojon sa Barangay Langub, Davao City.

Sa record ng BI, si Kim ay subject ng mission order na inilabas ni BI Commissioner Norman Tansingco matapos na matuklasang takas sa hustisya sa Korea sa 7 iba’t ibang kaso.

Kinansela na rin ng gobyerno ng Korea ang pasaporte ni Kim kung kaya’t itinuturing na itong illegal alien sa bansa.

Sinasabing una nang inaresto si Kim ng National Bureau of Investigation (NBI) Region 11 base sa ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) Region 11.

Nagpakilala umano si Kim na Pinoy at nagtangkang mag-apply ng Philippine passport gamit ang pangalang Allan Sun Duran.

Sa ginawang beripikasyon ng Korean government ay natuklasang may mga kaso itong kinakaharap sa kanyang bansa kung kaya’t awtomatikong undesirable alien si Kim.

Tumanggi munang magpaaresto ni Kim sa pagsasabing Pinoy ito subalit nang ipakita ng BI ang dokumento mula sa Korean government ay tuluyan itong hindi na makapalag.

Inamin din ni Kim na nakakuha ito ng Philippine Birth Certificate noong 2008 sa pamamagitan ng hindi nakilala umanong Filipina fixer.

Kasalukuyang nakakulong sa BI Davao District Office si Kim bago ilipat sa BI jail facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City habang kinakaharap ang kasong pagiging overstaying at undesirable alien.

Leave a comment