Anti-Agricultural Economic Sabotage Act inendorso sa Senado

Senador Cynthia Villar

Ni NOEL ABUEL

Inendorso na ni Senador Cynthia Villar sa plenaryo ng Senado ang panukalang magpapataw ng mabigat na parusa sa mga hoarders at smugglers at cartel.

Sa Senate Bill No. 2432 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, layon nitong tukuyin at imungkahi ang mas matitinding parusa para sa pagsasabotahe sa ekonomiya ng agrikultura upang isama ang smuggling, hoarding, profiteering at cartel.

Sa sandaling maging batas, sinabi ni Villar na aamiyendahan ng SB 2432 ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 o ang Republic Act No. 10845.

Sinabi nito na ang Anti-Agricultural Smuggling Act ay maaaring ituring na isang kabiguan sa mga kamay ng Bureau of Customs (BOC) dahil walang naipakulong ito sa nakalipas na pitong taon.

Ayon pa kay Villar, sinabi ng Samahang Industiya ng Agrikultura o (SINAG), ang Pilipinas ay nawawalan ng hindi bababa sa P200 bilyon na kita kada taon dahil sa smuggling.

“Smuggling is one of the reasons why many of our farmers continue to live in poverty. The illegal entry of agricultural products threatens their livelihood and the welfare of two-thirds of our population who depend on agriculture,” pahayag ni Villar.

Kabilang sa mga produktong ini-smuggle ay ang asukal, mais, baboy, manok, sibuyas, bawang, carrots, isda, at iba pang gulay batay sa datos ng Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture.

Kasama rin sa ini-smuggle ang sigarilyo, na ang tinantiyang pagkawala ng kita mula sa excise tax lamang ay umaabot sa P24.7 bilyon.

Ayon sa ulat ng Euromonitor, tinatayang 16.7 porsiyento o humigit-kumulang 9.52 bilyong stick ng kabuuang volume ng sigarilyo na ibinebenta sa Pilipinas ay nagmumula sa mga iligal na mapagkukunan noong 2022.

Karamihan sa mga ipinagbabawal na sigarilyo ay ipinapadala mula sa Cambodia, Vietnam, at China, at pumapasok sa pamamagitan ng Sulu at Tawi-Tawi.

Noong 2022, nakapagtala ang National Tobacco Authority (NTA) ng kabuuang 43.81 million kilograms ng tobacco na itinanim ng mga lokal na magsasaka kung saan 53 porsiyento o 23.21 million kilo ang napunta sa local tobacco manufacturers.

Ang tobacco ay nagmula sa mga magsasaka ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, La Union, Pangasinan, Isabela, Cagayan, Nueva Vizcaya, Quirino, Tarlac at Occidental Mindoro.

Sa kasalukuyan ang industriya ng tabako ay nagbibigay empleyo ng hindi bababa sa 2.1 milyong tao, kabilang ang higit sa 430,000 magsasaka, farm workers at mga miyembro ng kanilang pamilya.

Leave a comment