
NI MJ SULLIVAN
Makakanas ng maulap na papawirin ang buong bansa bunsod ng epekto ng dalawang Low Pressure Area na ang isa ay nasa loob na ng bansa.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan sa loob ng PAR ang isa sa LPA sa layong 875 km silangan hilagang silangan ng dulong bahagi ng Northern Luzon.
Apektado ng nasabing sama ng panahon ang hanging habagat na tatamaan ang mga lalawigan sa Mindanao.
Samantala, ang isa pang LPA ay nananatili sa labas pa ng PAR at inaasahang papasok anumang araw subalit pinawi ng PAGASA na maging bagyo ang dalawang LPA.
Paliwanag ng PAGASA, kapwa malulusaw ang dalawang sama ng panahon bago pa maging bagyo ang mga ito.
Samantala, ang Batanes, Babuyan Islands ay makakaranas ng maulap na papawirin ng may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog dahil sa epekto ng nasabing LPA.
Habang ang Zamboanga Peninsula ay makakaranas din ng maulap na papawirin ng may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog dahil sa epekto naman ng habagat.
At ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ay minsan ay makakaranas ng pag-ulan o pagkulog dahil sa epekto ng habagat at localized thunderstorms.
