School-based mental health program pasado na sa Senado

NI NOEL ABUEL

Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 2200 o ang panukalang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act.

Ayon kay Senador Win Gatchalian maituturing na mahalagang hakbang ito upang masugpo ang tinatawag nitong pandemya ng mental health sa bansa.

Ayon sa datos, may 404 na mag-aaral ang nagpakamatay noong School Year 2021-2022.

Layon ng Senate Bill No. 2200 na gawing institutionalized ang School-Based Mental Health Program upang pangalagaan at itaguyod ang mental health at kapakanan ng mga mag-aaral sa mga pampubliko at mga pribadong paaralan.

Saklaw rin ng panukalang batas ang mga out-of-school children in special cases tulad ng mga mag-aaral na may kapansanan, indigenous peoples, children in conflict with the law, mga kabataang naipit sa gitna ng mga sakuna, at iba pang mga marginalized sectors.

Inaatasan ng panukalang batas ang Department of Education (DepEd) na magpatayo at pagpatakbo ng mga care center sa mga pampublikong paaralan at magiging tungkulin na turuan ang mga mag-aaral pagdating sa prevention, identification, at tamang pagresponde at referral para sa kanilang mga pangangailangan pagdating sa mental health.

Titiyakin din ng Department of Health (DepEd) na may mga care center sa mga pribadong paaralan.

Pagmumulan din ang mga care center ng angkop na referral para sa mga intervention at aftercare support mula sa mga ahensya, institusyon, organisasyon, at iba pang mga propesyonal at may mandato rin ito na paigtingin ang kaalaman at literacy ng mga guro pagdating sa mental health.

Upang matiyak namang may sapat na mga kawani para sa pagpapatakbo ng School-Based Mental Health Program, lilikha ang panukalang batas ng mga bagong plantilla positions na Mental Health Associates I hanggang V, at Mental Health Specialists I hanggang V.

Sa ilalim ng panukalang batas, magiging Mental Health Specialists ang mga Guidance Counselor at Psychologists sa DepEd.

Binigyang diin ni Gatchalian na noong Hulyo 2022, may 1,192 lamang na napunang posisyon sa DepEd para sa guidance counselors at coordinators at para sa School Year 2023-2024, iniulat ng DepEd na mayroong mahigit 26 milyong mag-aaral na ang naka-enroll.

Leave a comment