
Ni NERIO AGUAS
Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Indian national na wanted sa kasong rape.
Iniulat ng mga opisyal ng BI na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang pagharang kay Jacob Manoj Paul Chempalakunnil, 50-anyos, na nagtangkang umalis noong Setyembre 8 sakay ng isang Jetstar Asia flight papuntang Singapore.
Si Chempalakunnil ay dinakip matapos makitang nasa database ng BI ng mga indibidwal na may mga criminal records.
Subject ng warrant of arrest si Chempalakunnil na inisyu ng Branch 220 sa Quezon City at inutusang arestuhin dahil sa mga kasong panggagahasa na walang piyansa.
Nang makumpirma ang kanyang pagkakakilanlan, agad na dinala ng immigration supervisors ang dayuhan sa National Bureau of Investigation (NBI) para maaresto.
Nagbabala si BI Commissioner Norman Tansingco sa mga wanted na kriminal na magtatangkang tumakas sa bansa na pananagutin at aarestuhin para harapin ang kaso laban sa mga ito.
“As a policy, courts forward to us orders barring the travel of individuals who have a warrant of arrest or a hold departure order. Upon receipt of orders from courts, we immediately include these individuals in our derogatory record,” aniya pa.
