Caloocan City Police unang nakatanggap ng Single Ticketing Devices sa bagong traffic code

Ni JOY MADELAINE

Naging unang lungsod sa National Capital Region ang Lungsod ng Caloocan na nag-isyu sa mga pulis ng Single Ticketing Sytem (STS) device.

Nabatid na sampung device ang ibinigay ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa Caloocan City Police Station (CCPS) noong Lunes, Setyembre 11 para tumulong sa pagpapatupad ng Metro Manila Traffic Code ng 2023.

Bago nito, nakatanggap ang PSTMD ng 30 bagong STS device noong nakaraang buwan, na hinati nang pantay sa mga ahente nito sa North at South Caloocan.

Binigyang-diin ni Malapitan ang pangangailangan ng mga motorista at commuters na sumunod sa mga bagong ordinansa sa trapiko upang maiwasang maparusahan, at higit sa lahat, upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.

“Magkatuwang na po ang PSTMD at CCPS sa pagpapatupad ng STS kaya upang makaiwas tayo sa mga multa at lalung-lalo na sa mga aksidente, panatilihin po natin ang pagsunod sa mga batas-trapiko at laging makipagtulungan sa ating mga awtoridad,” sabi ni Mayor Along.

Tiniyak din ng alkald ang pagsunod sa wastong pamamaraan sa pagdakip at pagpaparusa sa mga lalabag, at nanatiling nakatuon sa pagtataguyod ng maayos at walang problemang mga transaksyon tungkol sa mga paglabag sa trapiko.

“May mga nakahanda na pong programa ang pamahalaang lungsod upang mas mapabilis at hindi masyadong nakakaabala ang pagbabayad ng mga multa ng sinumang mahuhuling lalabag sa Single Ticketing System,” ayon sa alkalde.

“Batid din po natin na may mga magtatangkang samantalahin ang bagong implementasyon ng STS, kaya naman inaasahan po natin na ang mga bagong ticketing device ay makakatulong upang maiwasan ang anumang panunuhol o pangongotong sa ating mga kalsada,” dagdag nito.

Leave a comment