Chinese national inaresto sa pekeng dokumento

Ni NERIO AGUAS

Dinakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babaeng dayuhan na nagsumite ng pekeng dokumento sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Kinilala ang nasabing dayuhan na si Zhiqun Liao, 31-anyos, Chinese national, na inaresto noong Setyembre 5, na nagtangkang umalis ng banda patungong Quanzhou, China sakay ng Malaysian airlines flight.

Ayon kay BI Border Control and Intelligence Unit Head Dennis Alcedo, nang dumaan sa primary inspection ang dayuhan ay napansin ang pasaporte nito ay walang Philippine arrival stamp.

Nabigo rin si Zhiqun na makapagpakita ng Philippine visa na magpapatunay na nakapasok ito sa bansa.

Sa ginawang beripikasyon ng BI ay wala sa record kung kailan ito inaasahang dumating noong Hunyo 15.

Ibinahagi rin ng mga kinatawan ng airline company na ang flight na umano’y sinakyan ng dayuhan para makarating sa bansa ay wala.

Nang isailalim sa forensic documents laboratory ang mga dokumento ni Zhiqun, napatunayang peke ang ipinakita nitong papeles.

Dahil dito, inaresto si Zhiqun at kinasuhan ng Section 45© and (d) in relation to Section 37(a)9 ng Philippine Immigration Act of 1940 at dinala sa BI jail facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City habang inihahanda ang resolusyon para sa pagpapatapon dito pabalik ng kanyang bansa.

Leave a comment