
NI MJ SULLIVAN
Niyanig ng magkakasunod na paglindol ang probinsya ng Cagayan ngayong madaling-araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon sa Phivolcs, unang naitala ang paglindol dakong ala-1:30 ng madaling-araw nang tumama ang magnitude 4.9 na lindol na ang sentro ay nakita sa layong 021 km hilagang kanluran ng Dalupiri Island, Calayan, Cagayan at may lalim itong 010 km at tectonic ang origin.
Naramdaman ang intensity V sa Calayan, Cagayan; intensity IV naman sa Pagudpud at Bangui, Ilocos Norte at intensity III sa Burgos at Pasuquin, Ilocos Norte.
Sa instrumental intensities, naitala ang intensity II sa lungsod ng Laoag, Ilocos Norte at intensity I sa Aparri, Cagayan.
Muling naramdaman ang paglindol dakong ala-1:44 ng madaling-araw na naitala sa magnitude 2.4 na nakita sa layong 006 km timog silangan ng Dalupiri Island, Calayan, Cagayan at may lalim na 011 km at tectonic ang origin.
Ganap namang ala-1:51 ng madaling-araw nang maitala ang magnitude 2.8 sa nasabi ring lugar. At ganap na alas-2:45 ng madaling-araw nang tumama ang magnitude 2.2.
Wala namang naitalang danyos ang nasabing mga lindol at wala na ring inaasahang aftershocks sa mga susunod na araw.
