
SANA’Y tanggapin ni Police Regional Office (PRO) 3 chief Brig. Gen. Jun Hidalgo ang artikulong ito bilang ‘constructive criticism’ at hindi ‘destructive criticism’.
Hindi kasi maiwasang ikumpara ang kanyang ‘leadership’ kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Brig. Gen. Melencio ‘Tateng’ Nartatez.
February 2023 umupo bilang Central Luzon police chief si Gen. Hidalgo at si Gen. Nartatez ay naupo bilang Metro Manila police chief nito lamang June ng kasalukuyang taon.
Ibig sabihin, mas kapado na ngayon ni Gen. Hidalgo ang buong PRO3, kumpara kay Gen. Nartatez na masasabi nating nakakapag-adjust na ngayon bilang Top Cop ng Kalakhang Maynila.
Ang nakahahanga kay Tateng (palayaw ni Gen. Nartatez), mula nang maupo ito bilang NCRPO chief, lahat ng sugal sa Metro Manila ay tablado.
Mahigpit ang bilin nito sa ‘No Take Policy’ at ‘One Strike Policy.’
Dito natin nais tawagan ng pansin si Gen. Hidalgo kasi hanggang ngayon po ay talamak ang illegal na online sabong sa kanyang nasasakupan.
Ito’y sa kabila ng mariing direktiba ng Pangulong Marcos na bawal at hindi kailanman pinahihintulutan ang e-sabong sa kanyang administrasyon.
Malinaw na nakasaad ito sa Executive Order No. 9 na pirmado ni PBBM at ipinalabas ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Ang problema, sa kabila ng ‘marching order’ ni PBBM, tuloy ang ligaya ng illegal sabong online sa buong Central Luzon.
Ayaw kong sabihin na mahina ang ‘intelligence gathering’ ni Gen. Hidalgo, dahil panay naman ang ‘ikot’ ng kanyang R2 na si Col. Jay Dimaandal.
Huwag na tayong lumayo dahil sa probinsiya pa lang ng Bulacan ay talamak at tuwing alas-5:00 ng hapon nagaganap ang illegal e-sabong.
Dapat nga, kung may ‘no take policy’ at ‘one strike policy’ din sa PRO3 ay sumunod dito nang walang pag-iimbot si Bulacan Police Director Col. Relly Arnedo.
Maliban na lang kung mas malupit talaga sa tagubilin ng ‘no take policy’ si Gen. Nartatez kumpara kay Gen. Hidalgo.
Ang Marites ng mga Kurimaw sa Camp Crame, P2.5 million weekly daw ang ‘tongpats’ sa isang opisyal sa Camp Olivas. At ang weekly naman daw sa isang opisyal ng Bulacan PD ay P1 million a week.
Naniniwala akong hindi sina Gen. Hidalgo at Col. Arnedo ito dahil baka mayroon lamang gumagasgas sa kanilang pangalan.
Ang masaklap nga lang, may kopya ang intel community ng video hinggil sa talamak na illegal e-sabong sa Bulacan.
Kaya nga bago mahuli ang lahat, dapat ay pasadahan agad nina Hidalgo, Arnedo at Dimaandal ang mga sabungan sa Malolos Cockpit Old Arena, gayundin sa Sta. Maria Square Cockpit Coliseum at Balagtas Cockpit Arena.
Mayroon din sa Clint Eryx Cockpit Arena sa bayan ng Balagtas na minamantine ng isang alyas Erwin.
Lantaran din ang illegal e-sabong sa Meycauyan Cockpit Arena, Bgy. Pandayan, Meycauyan, Bulacan. Ganoon din sa bayan ng Bustos, Bulacan.
Sa New Marilao Coliseum, Bgy. Abangan Norte, Marilao ay may illegal e-sabong din na ang may-ari ay isa umanong local official.
Isang alyas Lando naman ang umano’y namamahala ng illegal e-sabong sa Norzagaray Cockpit Arena.
Sa Angat Bulacan Coliseum ay isang Wowie ang maintainer ng illegal na e-sabong.
Ngayon sa mga nagtatanong kung sinu-sino ang maintainers ng illegal na sabong online, isang alyas Dose po ang overall financier nito.
Ang kanyang tagaayos, tagalakad at katiwaldas ay isang alyas J. Datu.
Sa susunod nating artikulo, hihimayin natin ang pagkatao nina Dose at Datu na ginagamit din ang pangalan ni Bulacan Gov. Daniel Fernando.
Samantala, marami rin ang nagpaparating ng ‘constructive challenge’ kay Gen. Hidalgo kung talaga bang mas disiplinado ang Philippine Military Academy (PMA) kumpara sa Philippine National Police Academy (PNPA).
Si Gen. Nartatez na posibleng maging PNP chief sa susunod na taon ay miyembro ng Tanglaw-Diwa Class of 1992, samantalang si Gen. Hidalgo naman ay ‘proud member’ din ng PNPA Sandigan Class of 1994.
Sabi kasi kung nagawa ni Gen. Nartatez ang ‘no take policy,’ bakit hindi ito kayang gawin ni Gen. Hidalgo.
****
Para sa anumang reaksyon, suhestiyon at sumbong, tumawag o mag-text sa cell phone no. 09157412674.
