
Ni NOEL ABUEL
Suportado ng mga senador ang panukalang Tatak Pinoy Act na naglalayong mas mapalago ang ekonomiya, mapataas ang kita ng mga Pilipino at maibsan ang matinding kahirapan sa bansa.
Matapos ang mga masusing pag-uusisa ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa interpelasyon ng Tatak Pinoy bill, agad na sumailalim sa amendments ang naturang panukala.
Sa kanyang pagdepensa sa Senate Bill 2426 (Tatak Pinoy Act), sinabi ni Senador Sonny Angara na iminamandato ng panukala ang koordinasyon at pagtutulungan ng gobyerno at ng pribadong sektor upang masigurong matupad ang nilalayon ng Tatak Pinoy Act na maibilang ang Pilipinas sa mga bansang patuloy sa pag-unlad at may malakas na ekonomiya.
Inihalimbawa ni Angara ang pinagdaanan ng bansang Taiwan kung saan sa loob ng ilang dekada, ay nakilala sa reputasyong gumagawa ng mababang kalidad na produkto.
Gayunpaman, matapos pagsikapin ng kanilang gobyerno at ng pribadong sektor na iangat ang kalidad ng mga produkto at pasukin ang produksyon ng mga complex products, nagawa ng Taiwan na umangat at ngayon ay isa na sa pinakamalalaking manufacturer ng high-tech goods sa buong mundo.
“Dapat, nagkakaisa tayo rito para masigurong mapalalakas natin ang produksyon ng ating higher-value products. Kahit kulang tayo sa resources, maraming posibilidad kung paano nating maiaangat ang mga produktong sa tingin natin ay may laban sa pandaigdigang kompetisyon,” ayon sa senador.
Isa pa, ayon kay Angara, kailangan ding siguruhin na hindi mahihinto ang produksyon ng mga produktong ito upang matiyak na tuluy-tuloy ang suplay nito sa pandaigdigang pamilihan. Matutupad lamang ito aniya kung solido ang tulungan sa pagitan ng gobyerno at ng pribadong sektor.
Sa interpelasyon niPimentel, hiningi nito ang paglilinaw sa magiging papel ng Tatak Pinoy Council o TPC at kung wala bang duplikasyon ang trabaho nito sa iba pang mga tanggapan.
Ang TPC, ayon sa panukala ay magsisilbing policy at advisory body na ang tungkulin ay bumuo ng mga polisiya at programa na tutukoy sa productive capabilities ng mga lokal na kumpanya at mapataas ang economic complexity ng bansa.
Ang ipinagkaiba ng TPC sa iba pang samahan tulad ng Creatives Industry Development Council o sa Innovation Council ay naka-focus ito sa kung paanong mas malilinang ang mga produktong Pinoy ay maging kapatas ng global products.
Kalaunan, matapos ang kanyang interpelasyon, tiniyak ni Pimentel ang pagsuporta sa panukalang batas na isinusulong ni Angara.
Aniya, kumbinsido ito sa kahalagahan ng pagpasa ng naturang panukala.
Bagama’t sumasailalim pa sa period of amendments ang Tatak Pinoy Bill, posibleng lumusot ito sa pangatlo at pinal na pagbasa sa plenaryo ng Senado.
