
Ni NOEL ABUEL
Pinapurihan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa paglagda nito sa Executive Order na magpapalawig ng dalawang taon sa ipinatutupad na moratorium sa pagbabayad utang ng mga agrarian reform beneficiary (ARB) na hindi saklaw ng New Agrarian Emancipation Act (NAEA).
Gayundin nagpasalamat si Romualdez sa Department of Agrarian Reform (DA) sa mabilis na paggawa ng Implementing Rules and Regulations ng NAEA (Republic Act No. 11953), na natapos 15 araw bago ang itinakdang deadline.
Isa si Romualdez, lider ng 311 miyembro ng Kamara de Representantes sa mga opisyal na sumaksi sa paglagda ni Pangulong Marcos sa EO No. 40 na magpapalawig sa agrarian debt moratorium hanggang sa Setyembre 15, 2025 at ang presentasyon ng IRR ng RA 11953 ni DAR Secretary Conrado Estrella III.
Kasama rin na dumalo sa presentasyon ng IRR ng NAEA sina Senador Cynthia Villar, chairman ng Senate Committee on Agriculture at may akda ng nasabing batas.
Sa ilalim ng bagong batas, wala nang babayarang utang ang 610,054 na magsasaka at agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa ibinigay na lupa sa bisa ng Comprehensive Agrarian Reform Program ng pamahalaan.
“The extension of the moratorium on the payment of the amortization and principal on the debt of our agrarian reform beneficiaries is a demonstration of the commitment of the administration of President Marcos to their welfare and the growth of our agricultural sector,” ani Romualdez
“DAR’s early submission of the IRR is a significant step towards fulfilling the promise of the New Agrarian Emancipation Act to uplift the life of our farmers, revitalize our agricultural sector, and provide affordable food for every family,” dagdag nito.
Aniya, makikinabang sa moratorium ang 129,059 ARBs na nagsasaka ng tinatayang 158,209 hektarya ng lupain, na hindi nakapasok sa cut-off period noong Hulyo 24, 2023, para mapasama sa debt condonation sa ilalim ng RA 11953.
Nasa 610,054 ARBs naman na may pagkakautang na aabot sa P57.55 bilyon ang makikinabang sa debt condonation sa ilalim ng NAEA.
Maliban pa dito ay mabubura na rin ang P206.247 milyong utang ng may 10,201 ARBs sa orihinal na may-ari ng lupa na kanila ngayong sinasaka.
Nauna ng sinabi ni Romualdez na makatutulong ang RA No. 11953 para maging rice sufficient ang bansa.
Aniya ang pagbura sa pagkakautang ng mga ARBs ay unang hakbang pa lamang para mapalakas ang lokal na produksyon ng pagkain at mapabuti ang buhay ng mga magsasaka.
“The next step is aiding them to those objectives by providing them with or giving them access to credit, technology, equipment, inputs, and other vital support services. Let us leave them to fend for themselves,” sabi pa ni Romualdez
Ipinunto pa nito na ang magsasaka na nakalaya na sa pagkakautang ngunit hindi makatatanggap ng sapat na tulong para sa kanilang pagtatanim at iba pang pangangailangan ay maaaring mabaon lang muli sa pagkakautang.
