Tangkang pagpatay sa testigo ng kasambahay na si Elvie Vergara kinastigo

Senador Francis Tolentino

Ni NOEL ABUEL

Mariing kinondena ni Senador Francis Tolentino ang tangkang pagpatay sa pangunahing testigo sa kaso ng kasambahay na sinaktan at inabuso ng umano’y employers nito.

“Kinokondena ko ang tangkang pagpaslang kay Alyas Dodong kagabi, Sept.12, 2023, sa Paluan, Mindoro Occidental, na tetestigo sa kasong dinidinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights. Gayundin ang pagpunta ng mga armadong lalaki sa bahay ng biktimang si Elvie Vergara sa Batangas City kaninang umaga, Sept. 13, 2023,” sa inilabas na kalatas nito.

Aniya, nakipag-usap na ito kay Philippine National Police (PNP) Director General Joel Doria para hanapin ang nasa likod ng nasabing pangyayari.

“Ako po ay nakipag-usap na kay PNP Regional Director Gen. Joel Doria para tugisin ang mga salarin at maprotektahan si Dodong kagabi. Atin din pong pangangalagaan ang seguridad ni Elvie Miranda,” sabi pa ni Tolentino.

Sa ulat ng PRO MIMAROPA, dalawang hindi nakilalang armadong kalalakihan na nakasuot ng bonnet at pumasok sa bahay ng biktimang si Jay-ar Suares Dimeres, 48-anyos, dakong alas-8:40 ng gabi sa Sitio Apnikan, Bgy. Tubili, Paluan, Occidental Mindoro.

Isinalarawan ng biktima ang suspek na may taas na 5’10”, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng itim na jacket, itim na pantalon at sapatos.

Masuwerte pa ring hindi napuruhan ang biktima na nagawang makatakbo at tanging mababaw na sugat ang natamo nito.

Sa privilege speech naman ni Senador Jinggoy Estrada, sinabi nitong bago ang tangkang pagpatay sa biktima ay ilang gabi na ring sinasabing may umaalingid sa bahay ng kasalukuyang employers nito at nagtatanong sa mga residente ng munisipalidad ng Paluan, Occidental Mindoro.

“Tinakasan ni Dodong ang pamilya Ruiz dahil na rin sa takot na malagay sa alanganin ang buhay. Gayunpaman handang tumestigo si Dodong para patotohanan ang mga bintang ni Elvie at sa katunayan ay nagsumite na siya ng sinumpaang salaysay sa pisklaya kung saan nakasampa ang kaso laban sa mag-asawang Ruiz,” sabi ni Estrada.

Nakarating sa kaalaman nina Estrada at Tolentino na nasa pangangalaga na ngayon ng Criminal and Investigation Group (CIDG) regional headquarters sa Calapan, Oriental Mindoro si Dodong para matiyak ang kaligtasan nito.

Dahi sa pangyayari, maging ang kasalukuyang employers ni Dodong ay nangangamba na rin sa kanilang kaligtasan.

“Dalawa pang dating mga tauhan ng mag-asawang Ruiz na sina alyas JM at alya Patrick na maaaring magbigay-linaw sa kaso ni Elvie ay napag-alaman ko na nagtatago at hindi na matunton ng mga kinauukulan,” ayon pa kay Estrada.

Leave a comment